
Ni NOEL ABUEL
Ipinangako ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na isusulong nito ang pagreporma at mas pagpapahusay pa sa edukasyon sa bansa upang mas maraming estudyante ang makatapos ng pag-aaral hanggang kolehiyo.
Si Cayetano, na nanggaling sa pamilya ng mga educators kung saan ang lola nito na si Julianna Cabrera, at inang si Sandra Schramm, ay kapwa naging guro samantalang ang ama nitong si dating Senador Renato Cayetano, ay professor sa law school.
“Kaming magkakapatid kasi, itinuro ng aming ama sa amin, si Senator Rene Compañero Cayetano, na education is the key. Ang nanay ko’y isang teacher, ang lola ko po ay isang public school teacher, at ang asawa ko po’y naging scholar din,” sabi ni Cayetano sa panayam ng mga mamamahayag.
Tiniyak pa nito na sa sandaling makabalik sa Senado ay itutulak nito ang pagsuporta ng pamahalaan para sa edukasyon.
“Ito ay isa sana na itutulak ko, kasi kapag tinulungan ang magulang sa pagpapaaral ng anak, napakalaki ng igagaan sa kahirapan lalo na po ngayong pandemic na nagre-recover tayo, so asahan ninyo na isa ‘yan sa itutulak natin,” ani Cayetano.
Plano aniya nito na gamitin ang education and scholarship system na ginamit sa Taguig City para ipatupad sa buong bansa.
Nabatid na tanging ang Taguig City lamang ang nagkakaloob ng libreng edukasyon at mga supplies mula preschool hanggang kolehiyo at makapagtapos ng pag-aaral.
“From elementary, libre ang uniporme, tahi na ‘yan. Libre po ang bag, notebooks, meron pong vanity kit ‘yan na may toothbrush, pati po mga medical, dental… and mayroon kaming computer-assisted learning from Singapore,” sabi pa ni Cayetano.
Ang mga high school graduates sa Taguig ay awtomatikong nagiging city’s scholars, at ang mga nasa kolehiyo at post-graduate students ay nakakatanggap ng P15,000 hanggang P50,000.
“Ayaw namin ng programang magpapasalamat lang ng tao. Gusto namin ang programa actually mag-gagraduate. Pag ang tao binigyan mo ng oportunidad yumaman, ‘yung siyudad, siguradong yayaman,” sabi nito.
