Solon sa school officials: Sumunod sa paalala ng DepEd at DOH

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Pinalalahanan ni Senador Christopher “Bong” Go ang lahat ng school officials at educators na mahigpit na ipatupad ang Required Health Standards for COVID-19 Mitigation na inilabas ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Health (DOH) sa gitna ng planong face-to-face classes.

Ayon sa senador, bagama’t nauunawaan aniya nito ang paghihirap ng mga guro at estudyante sa matagal na pagsasara ng mga eskuwelahan dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic, kailangang maging maingat ang lahat.

Partikular na panawagan ni Go sa mga schools officials na tiyakin na may sapat na bentilasyon ang mga silid-aralan  at ipatupad ang physical distancing ng isa hanggang dalawang metro maliban pa sa paghihigpit sa pagsusuot ng face mask at good hand hygiene routines sa school premises.

“We will take this one step at a time so that we can protect the safety of our students. Huwag natin biglain and let us assess what happens. Kahit ayaw nating maantala ang klase nila, importanteng safe ang mga estudyante,” sabi ni  Go.

“Health and safety pa rin ang importante. Sa kagustuhan nating makapag-aral ang mga bata, ‘wag natin kalimutan na unahin palagi ang interes, kapakanan at buhay nila at ng bawat Pilipino,” apela pa nito.

Una nang inaprubahan noong Enero 18 ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng DepEd na palawigin ang implementasyon ng face-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 1 at 2 kung saan awtomatiko namang isususpende ang klase kapag tumaas sa Alert Level 3 ang alert level.

Sinabi pa ni Go na ang mga eskuwelahan ay maaari lamang magpatupad ng on-campus operations o full or limited capacity sa oras na makapasa lamang ito sa School Safety Assessment Tool at makasunod sa panuntunan at mekanismo sa ilalim ng Framework of Shared Responsibility ng pamahalaan.

Bilang chairman ng Senate Committee on Health, iginiit ni Go na mahalaga na mabakunahan ang lahat ng kuwalipikadong mag-aaral para masiguro na ligtas ang face-to-face classes.

Suhestiyon pa nito na ang mga eskuwelahan at kolehiyo ay pagkakalooban ng karagdagang kagamitan para magsilbing vaccine clinics at vaccination drive upang mabakunahan ang mga estudyante.

“Pagdating sa mga bata, takot talaga ako. Unang-una hindi pa sila bakunado. Pangalawa, hindi natin kontrolado ‘yung galaw nila at pangatlo, baka mag-back to zero na naman tayo. Kaya ngayon na pwede na magpabakuna ang mga bata, ‘wag natin sayangin ang oportunidad na ito na proteksyunan sila mula sa sakit,” apela ni Go.

“Lagi natin alalahanin na hindi kaya ng gobyernong mag-isa ang laban kontra pandemya. Hindi rin kakayanin ng mga frontliners kung patuloy na dadami ang dinadala sa mga ospital. Preventing the spread of COVID-19 starts with us being responsible citizens by getting vaccinated and following the health and safety protocols,” dagdag pa nito.

Leave a comment