
Ni NOEL ABUEL
Nagdeklara ng suporta kay Presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno ang isang volunteer group na tumulong para manalo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 national elections.
Personal na humarap si dating Agrarian Reform Secretary John Castriciones, ang founding president at nanguna sa daan-daang miyembro ng MMRD-NECC sa Isko Moreno headquarters sa Intramuros, Manila para iparating ang suporta ng mga ito kay Moreno para sa kandidatura nito sa May 2022 national elections.
Paliwanag ni Castriciones, nagdesisyon ang MMRD-NECC na ibigay ang suporta kay Moreno dahil sa naniniwala ang mga ito sa kakayahan ng alkalde na pamunuan ang bansa tulad ng suportang ipinakita anila nito kay Pangulong Duterte nang suportahan nila sa kandidatura nito.
Sinabi ni Castriciones na nasa dalawang milyon umano ang mga miyembro ng nasabing grupo na nagdala umano kay Pangulong Duterte sa posisyon nito.
Ipinagmalaki pa nito na karamihan ng mga miyembro nito ay nakakalat sa Visayas at Mindanao kung kaya’t umaasa itong makakatulong ng malaki kay Moreno para manalo sa eleksyon.
“We are actually nationwide movement in different regions, in different provinces. Bawat sulok ng bansa ay miyembro ng MMRD-NECC,” sabi nito.
Nagpasalamat naman si Moreno sa suporta ng MMRD-NECC at masaya ito sa mga tulong at suporta at walang nabanggit kung pasasalamat sa mga sumusuporta sa kandidatura nito.
“Masayang-masaya ako talaga,” sabi ni Moreno.
Sinabi pa ni Moreno na marami na ring miyembro ng DDS ang nagpapakita ng suporta sa kandidatura nito sa ibang bahagi ng bansa base na rin sa nakikita nito sa mga social media.
“Domagoso Diehard supporter, din yata sila. Libreng campaign ‘yan,” pagbibiro pa ni Moreno.

At upang maging pormal ang suporta ng MMRD-NECC kay Moreno ay lumagda ang mga ito ng memorandum of support upang pagtibayin ang pangakong ikakampanya ang alkalde.
Samantala, sinabi ni Moreno na posibleng maisama sa senatorial lineup ng Aksyon Demokratiko si Castriciones, na tumakbo rin sa Senado sa ilalim rin ng nasabing partido, dahil sa tatlong senatoriables mayroon ang nasabing partido sa katauhan nina Carl Balita, Jopet Sison, at Samira Gutoc.
“Malaki ang posibilidad na ‘yon. The next step is to talk to my fellow candidate in the party and I’ll talk to Aksyon Demokratiko execomm and to the team,” sabi ni Moreno.
