Tulong sa ‘marginalized learners’ para sa education recovery — solon

Senador Win Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Nanindigan si Senador Win Gatchalian na patuloy nitong isusulong ang pagbibigay ng sapat na suporta sa mga mag-aaral na nangangailangan o ”marginalized learners.” 

Binigyang diin ni Gatchalian na nananatiling mababa ang enrollment ng mga learners with disabilities at mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS).

Aniya, kung susuriin ang datos, malayo pa ang bilang ng mga naka-enroll ngayon sa bilang na naitala bago tumama ang pandemya kung kaya’t  dapat na ilapit ang edukasyon sa mga mag-aaral, lalo na’t hinaharap na nila ang maraming hamon bago pa ang hagupit ng pandemya.

Para sa School Year 2021-2022, nasa 202,603 mag-aaral ang kasalukuyang naka-enroll, mas mababa ng 73 porsyento kung ihahambing sa 759,723 naitala noong School Year 2019-2020. Para sa kasalukuyang School Year, may 93,895 learners with disabilities ang naka-enroll, mas mababa ng 74 na porsyento kung ihahambing sa 360,879 naitala noong School Year 2019-2020.

“Bago pa tumama ang pandemya, malaking hamon na ang hinaharap ng ating mga learners with disabilities at mga mag-aaral sa ALS. Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pandemya, kailangan nating tiyakin na hindi sila mapag-iiwanan at matutugunan natin ang kanilang mga pangangailangan,” ani Gatchalian.

Si Gatchalian ang pangunahing may akda at sponsor ng Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510). Nagbibigay ang ALS ng mga oportunidad para sa mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mga mag-aaral upang malinang ang kanilang mga basic at functional literacy at life skills.

Kabilang sa mga out-of-school children in special cases ang mga learners with disabilities, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga learners in emergency situations, at iba pang mga mag-aaral na nangangailangan.

Si Gatchalian din ang sponsor at isa sa mga may akda ng panukalang batas na pinamagatang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.”

Kung maisabatas ang panukalang ito, makikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa mga lokal na pamahalaan upang magpatayo ng hindi bababa sa isang Inclusive Learning Resource Center of Learners with Disabilities (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. 

Ang mga ILRCs ay magsisilbing one-stop shop sa paghahatid ng libreng support services para sa mga learners with disabilities at sa pagpapatupad ng mga programa para sa inclusive education.

Leave a comment