3 Nigerians arestado sa love scamming

Ni NERIO AGUAS

Arestado ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Nigerian nationals na sangkot sa fraud at scamming operations sa bansa.

Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr., ang mga naarestong dayuhan ay nadakip sa tulong ng puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong nakalipas na Pebrero 16 sa bisa ng mission order na inilabas ni BI Commissioner Jaime Morente.

Kinilala ang nasabing mga dayuhan na sina Shaka Hashimu Dirisu, 41-anyos; Anih Chinedu Miracle, 27-anyos at Gabriel Daniel Evans, 31-anyos.

Sinabi ni Manahan na ang tatlong suspek ay sangkot sa love scam na ang target na biktima ay pawang mga Pinay na nakikilala sa pamamagitan ng online kung saan nagawang makakuha ang mga ito ng malaking halaga.

“We are also investigating their links to a South African organized crime group and other scamming and fraud activities, as well as looking into possible cohorts that are still in the country,” sabi ni Manahan. 

“They have been using several aliases, and their documents reveal that they are already overstaying,” dagdag nito.

Kasalukuyang nakadetine sa BI Detention Facility ang mga nasabing mga dayuhan na nahaharap sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 dahil sa pagiging overstaying, misrepresentation at pagiging undesirable aliens.

Magugunitang noong nakaraang buwan ay dalawa ring Nigerians ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkakasangkot sa online banking fraud na nakapambiktima ng nasa 700 kliyente ng mga pangunahing banking institution.

Leave a comment