
Ni NOEL ABUEL
Pinakikilos ni vice presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pag-aralan na bigyan ng pensyon ang lahat ng senior citizens sa bansa.
“Kailangan po natin kausapin ang DSWD at ipaintindi sa kanila na kailangan nating ulitin ang sistema ng pagbibigay ng pension para lahat ng ating mga senior citizens ay nabibigyan ng tulong galing sa DSWD,” sabi ni Sara sa harap ng 3,000-senior citizen na sumalubong dito sa Barangay Aningway Sacatihan, Subic, Zambales.
Ayon pa kay Duterte, ang senior citizens’ pension ay normal na hamon sa mga local government units (LGUs) kabilang ang Davao City.
“Ganon din po sa amin. Nagkaproblema po kami dahil ang pension po na binibigay ng DSWD minsan hindi dumarating. Pangalawa, hindi nabibigyan lahat dahil pinipili nila ‘yung bibigyan. Hindi nila sinasali ‘yung mga merong SSS at GSIS,” paliwanag pa nito.
Sinabi pa ni Sara na nauna na nitong kinausap ang DSWS hinggil sa nasabing usapin.
“Sabi ko, ‘Mam, sa sobrang hirap po ng buhay ngayon, kahit may pension po ‘yan ng SSS at GSIS, napupunta lang po ‘yan sa utang, sa mga gastusin sa pang-araw-araw. Wala na pong napupunta sa kanila kung ano ‘yung gusto nila na gamitan o bilhin sa kanilang pera’,” sabi ni Duterte.
Ibinunyag din ng alkalde na ang Davao City government ay nauna nang niresolba ang nasabing usapin sa pamamagitan ng pagpapalabas ng ordinansa na nagsasaad na bigyan ng fair pension benefits ang mga nakatatanda.
“Ang ginawa po namin temporarily doon sa Davao City, para lang po mabigyan lahat at pantay-pantay po ang estado ng senior citizens, gumawa po kami ng local pension,” sabi nito.
“Gumawa kami ng ordinansa na lahat ng senior citizen, 65 and above ang inuna namin pero sa susunod na mga taon ibaba na namin sa 60 — lahat po sila binibigyan namin ng pension,” dagdag pa ni Sara.
