

NI NOEL ABUEL
Bibigyang prayoridad ng tambalang Lacson-Sotto ang paglikha ng espesyal na programa at paglalaan ng pondo para sa pangangalaga ng kalikasan at mga indigenous people (IPs) na lubhang apektado ng iresponsableng pagmimina.
Sinabi ito ni Partido Reporma presidential candidate Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanilang pagbisita ng running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa Baguio City nausisa ang mga ito kung ano ang kanilang paninindigan sa industriya ng pagmimina kung saan kilala ang lungsod at ang probinsya ng Benguet.
Ayon kay Lacson, suportado nito ang pagmimina basta’t responsable ang mga kumpanya na nagsasagawa nito.
Naniniwala umano ito na bagama’t tila mabagal ang pag-unlad ay makatutulong pa rin ang industriyang ito sa pag-ahon ng ating ekonomiya mula sa epekto ng pandemya ng COVID-19.
“Ang problema nga irresponsible ‘yung mining. Again, babalik na naman tayo. Why? Corruption na naman, hindi ba? ‘Yung program sa IPs dahil sila naman ‘yung nandoon, sila naman ‘yung nag-su-suffer pag iniwanan na ng mga irresponsible mining firm, ‘yung pinabayaan ang environment, ang nag-su-suffer in the long-term ‘yung IPs,” ani Lacson.
Para kay Lacson hindi dapat tingnan na lubusang masama ang industriyang ito at nararapat lamang na hindi maisantabi ang grupo ng mga katutubo dahil sila ang direktang naapektuhan ng pabayang pagmimina.
Aniya, nag-uugat ito sa katiwalian na hinahayaan ang mga iligal na minero na humakot ng ginto, pilak, tanso at iba pang mineral.
