1 patay, 2 sugatan sa pagbagsak ng PNP chopper

NI RENZ SALONGA

Isa ang patay habang dalawa pang ang sugatan sa pagbagsak ng Philippine National Police (PNP) Airbus H125 helicopter sa lalawigan ng Real, Quezon kaninang umaga.

Kinilala ang nasawi na si Pat. Allen Noel Ona, habang nagtamo naman ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nasa ligtas nang kondisyon sina PLt Col. Dexter Vitug at  PLt Col. Michael Melloria.

Ayon sa PNP, kinumpirma nitong pawang mga tauhan nila na pawang PNP Air Unit na sangkot sa nasabing trahedya na nangyari dakong alas-8:05 ng umaga sa Barangay Pandan, Real Quezon.

Base sa ulat, bago ang insidente, galing sa Manila Domestic Airport sa Pasay City ang nasabing helicopter at patungo ito sa Balesin Airport sa Quezon para sunduin si PNP chief Gen. Dionardo Carlos.

Si Vitug ang pilot-in-command ng nasabing helicopter habang ang co-pilot nito ay si Melloria samantalang crew si Ona.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kung ano ang tunay na sanhi ng pagbagsak ng nasabing helicopter kung saan inaalam kung may kaugnayan ito sa masamang panahon.

Leave a comment