



NI NERIO AGUAS
Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang South Koreans at isang Chinese national sa magkahiwalay na kaso na kinakaharap ng mga ito sa kani-kanilang bansa.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang dalawang South Koreans na sina Kim Changhan, 25-anyos, at Kim Junhee, 38-anyos na naaresto ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) sa magkahiwalay na lugar sa Makati City at Porac, Pampanga.
Nabatid na na si Changan ay inisyuhan ng warrant of arrest ng Seoul Central District Court noong Oktubre 2020 habang si Junhee ay may warrant of arrest na inilabas ng Seoul Nambu District Court noong Hulyo 2019 at pawang miyembro ng telecom fraud syndicate.
Base sa impormasyon mula sa national central bureau (NCB) ng Interpol sa Manila na si Changan ang lider ng telecom fraud syndicate na nakabase sa Sandong-sung China kung saan sangkot ito sa voice phishing at nakatangay ng nasa 63 million won o katumbas ng US$53 milyon.
Habang si Junhee ay miyembro rin ng telecom fraud syndicate na nakabase naman sa Tianjin, China kung saan nagawang makatangay nito ng mahigit sa 110 million won o katumbas ng US$92 milyon.
Samantala, kinilala ni Morente ag isang babaeng Chinese na si Zhang Yujie, 51-anyos, na nadakip sa Mandaluyong City sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng China laban dito dahil sa umano’y pagkakasangkot sa economic crimes sa nasabing bansa.
Kasalukuyang nakadetine sa BI facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang tatlong dayuhan habang inihahanda ang pagpapatapon sa kani-kanilang bansa.
