
NI NOEL ABUEL
Isinusulong ni Senate President Vicente Sotto III ang paglikha ng database ng mga magsasaka at iba pang cottage industry players sa bansa para sa tamang pagkakakilanlan sa gagawing pamamahagi ng tulong ng gobyerno.
Sinabi ni Sotto, na tumatakbong vice presidential candidate ngayong May 2022 elections, na mahalaga para sa pamahalaan na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga lehitimong magsasaka mula sa mga taong nagsasabi na sila ang mga farm workers para makatanggap ng “ayuda” na nakalaan para sa agriculture sector.
“A data-driven way of monitoring the agricultural sector is one way to efficiently distribute government assistance or loans to legitimate farmers. Once we identify true farmers then we can be sure that corruption or palakasan will not happen. Mahalagang siguruhin natin na totoong magsasaka lamang ang nakikinabang sa tulong ng pamahalaan at hindi ang mga tusong mangangalakal,” sabi ni Sotto.
Sinabi pa ng lider ng Senado na sa pamamagitan ng database ay magsisilbi itong monitoring tool upang makita ang posibleng kakapusan o sobra-sobra ang nasabing sektor, at epektibong mapigilan ang mga tiwaling negosyante na magsamantala sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbebenta ng palugi.
Dagdag pa ng senador na ito ay upang matiyak na kumikita ang mga magsasaka sa kanilang pagsusumikap at dapat na bilhin ng pamahalaan ang 50 porsiyento ng produkto ng mga ito.
“Sa lahat ng pagkakataon, mahalagang nandiyan ang pamahalaan para tulungan ang ating mga magsasaka. Magkahawak kamay ang pamahalaan at ang ating mga magsasaka sa paniniguro ng food security para sa lahat,” ayon pa kay Sotto.
