
Ni NOEL ABUEL
Kumpiyansa si Senador Sonny Angara na ang pinakahuling pag-amiyenda sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) charter ay magreresulta ng mas matatag at mas mahusay na pagbabangko sa bansa.
Ayon sa senador, dahil sa malawakang konsultasyon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa academe at stakeholders ng mga banking and financial sector, ang bagong charter ng PDIC ay magpapadali sa operasyon ng korporasyon ng gobyerno upang ito ang tumutok sa gawain nito na siguruhin ang mga depositso ng publiko ay mabibigyan ng insurance coverage para sa mga bangko.
Maliban aniya sa attached corporation ng Department of Finance, ang PDIC ay sasailalim na sa hurisdiksyon ng BSP.
“This move is logical considering that the PDIC deals with deposit insurance for banks and the BSP, as the country’s Central Bank, sets the monetary policy and has financial supervision over the banks. This will result in better coordination between the two bodies,” sabi ni Angara, ang author at sponsor ng nasabing panukala.
Naging makasaysayan din ang pagpasa sa panukalang batas dahil si Angara at ang ama nitong si dating Senate President Edgardo Angara ay parehong nag-akda ng pinakabagong pagbabago sa charter ng PDIC.
Ang nakatatandang Angara ay kinilala dahil sa pinakahuling pag-amiyenda sa PDIC charter sa pamamagitan ng Republic Act 9576 noong 2009, na nagtaas ang deposit insurance coverage mula P250,000 ay naging P500,000 sa kasalukuyan.
Sa ilalim ng naaprubahang panukala, na naghihintay sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang governor ng BSP ay magsisilbing chairperson ng PDIC Board habang ang Secretary of Finance, na unang nagsilbi bilang ex-officio chairperson ng Board, ay magiging vice chairperson.
Ito ay alinsunod sa hakbang na isama ang PDIC sa BSP upang palakasin ang kooperasyon ng dalawang ahensya upang maging mahusay ang kanilang pagtutulungan at maiwasan ang posibleng magkakahalintulad na tungkulin.
Isa pa sa mahalagang pagbabago sa charter ng PDIC ay maisama ang ilang produkto at arrangements ng Islamic Banks sa ilalim ng saklaw ng PDIC alinsunod sa layunin ng Republic Act 11439 o ang batas na nagtatakda para sa regulasyon at organisasyon ng mga Islamic Banks.
