
NI NOEL ABUEL
Nagpasalamat si Senador Christopher “Bong” Go sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 virus sa bansa dahil na rin sa pagtutulungan ng pamahalaan, ng taumbayan at ng mga healthcare workers.
Ayon kay Go, base sa datos ng Department of Health (DOH) patuloy ang pagbaba ng kaso ng virus sa bansa kung saan pinakahuling naitala ay nasa 1,923 bagong kaso noong Pebrero 19 na pinakamababa ngayong taon.
Subalit nagbabala si Go na bagama’t bumaba ang kaso ng COVID-19 virus ay hindi pa dapat magpakampante ang taumbayan at patuloy na sumunod sa health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.
“Patuloy po ang pagpasok ng magagandang balita para sa ating bansa ngayon. Noong Pebrero 15, 2022 ay sinabi ng Malacañang na nasa low-risk classification na ang National Capital Region at ang buong Pilipinas. Bagama’t hindi tayo dapat maging kumpiyansa, ito ay nagbibigay ng pag-asa sa atin na nasa tamang direksyon tayo patungo sa pag-ahon sa krisis na dulot ng COVID-19,” paliwanag ni Go.
Ibinahagi ng senador ang naitalang average daily cases mula Pebrero 8 hanggang Pebrero 14 kung saan bumagsak sa 56% ang bilang ng kaso kung ikukumpara sa nakalipas na linggo.
“Sa tantiya ng DOH, kung magpapatuloy ang ganitong trend, sa kalagitnaan ng buwan ng Marso ay baka nasa 83 bagong kaso na lang ang maitala kada araw kung magiging disiplinado ang lahat at susunod sa mga patakaran bilang kooperasyon sa gobyerno at sa buong komunidad,” sabi ni Go.
“Kaya patuloy po akong nakikiusap sa mga kababayan natin na hindi pa bakunado pero kuwalipikado, magpabakuna na po kayo. Ngayon ay nakikita na natin na tanging ang bakuna ang solusyon para tuluyan na tayong makawala sa mga krisis na dulot ng pandemya,” dagdag nito.
