Sen. Marcos sa pamahalaan: Humanap ng pangmatagalang solusyon sa oil hike

Senador Imee Marcos

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Imee Marcos sa  pamahalaan na maghanap ng pangmatagalang solusyon sa patuloy na sumisirit na presyo ng produktong langis sa buong mundo,  gaya ng pagtataas ng reserbang langis  ng bansa.

Ito aniya ay sa harap ng limitadong  fuel subsidy sa mga drayber ng mga pampublikong mga sasakyan,  mga magsasaka at mga mangingisda na labis na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, gasolina at kerosene .

“Maaaring lalo pang sumirit ang presyo ng langis at malampasan pa ang itinaas nito sa presyo sa nagdaang pitong linggo. Hanggang kailan naman tatagal ang mga fuèl subsidy?” pag-uusisa ni Marcos.

Aniya, mula noong kalagitnaan ng Nobyembre,  ang tatlong buwang ‘average’ na presyo ng krudo sa Dubai ay pumalo na sa $79.83 kada bariles na kapos na lang ng 17 sentimos para umabot sa $80 na lebel na hudyat naman para ilabas ang fuel subsidy sa mga drayber ng jeep,  mga delivery driver ayon sa Pantawid Pasada Program sa ilalim ng 2022 national budget.

Sinabi pa ni Marcos na may P500 milyon naman na nakalaan sa Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka at mangingisda.

“Tinatayang manunumbalik ang pagnenegosyo sa pre-pandemic na lebel sa huling bahagi ng taon, pero posibleng di kayanin ng supply ng langis sa buong mundo ang mas mataas na pangangailangan ng gasolina,” ani Marcos.

“Babawi muna kasi sa pagkalugi na dulot ng pandémya ang mga bansang nagsu-supply ng langis,  bago nila taasan o damihan ang kanilang produksyon. Bukod dito, may banta pang giyera ang Russia at Ukraine. Kapag napatawan ng parusa ang Russia sa ini-export nilang langis, mababawasan ang supply sa mundo at sisirit ang presyo ng langis sa Middle East na pinagkukunan natin ng supply, ” dagdag pa ni Marcos.

Sa harap nito, sinabi ni Marcos na handa itong maghain ng panukalang batas para mapataas ang reserbang langis ng bansa.

Gayunpaman, dismayado si Marcos sa mabagal na usad ng pag-aaral para maikasa ang ‘Strategic Petroleum Reserve’ ng bansa.

“Nasayang na ang ating pagkakataon noong 2020 para makabili ng langis sa mababang presyo nang mag-lockdown at bumagal ang pangangailangan sa supply ng langis. Kaya kailangan maging maagap na tayo sa pagpaplano at ‘wag magpatumpik-tumpik sa pag-aksyon, ” giit ni Marcos.

Leave a comment