
Ni NOEL ABUEL
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsama-sama sa isang entablado sa panahon ng kampanya sina Partido Reporma standard-bearer Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, running mate at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, at dating Information and Communications Technology Secretary Gregorio ‘Gringo’ Honasan nang bisitahin nila ang mga taga-Santa Cruz, Laguna, Martes ng umaga.
Bagama’t sinalubong ng malakas na pag-ulan ang pagbisita ng Lacson-Sotto tandem sa Sta. Cruz, Laguna ay hindi napigil ang mga tagasuporta ng mga ito ang masayang pagdating ng mga una kasama si Honasan na kilala bilang mga miyembro ng tinaguriang ‘Macho Bloc’ sa Senado.
Si Honasan ay muling kumakandidato sa pagka-senador at bahagi ng senatorial line-up ng tambalang Lacson-Sotto.
Kasama nilang nangampanya sa Laguna sina Partido Reporma senatorial candidates Dr. Minguita Padilla, retired Gen. Guillermo Eleazar, dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol.
Humarap sina Lacson at Sotto kasama ang kanilang mga kandidato para sa Senado sa isang pagtitipon na dinaluhan ng mga tricycle driver at operator, gayundin ng ilang mga maliliit na negosyante, sa isang town hall meeting upang ipakilala ang mga sarili at ilahad ang kanilang mga plataporma.
Bukod kay Honasan kasapi rin ng ‘Macho Bloc’ sina Senador Manuel ‘Lito’ Lapid na tahimik na tumutulong sa kampanya ng Lacson-Sotto, habang si Senador Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao ay inampon din ng grupo, ngunit nagdesisyong tumakbo bilang pangulo rin ngayong halalan.
