
Ni NOEL ABUEL
Kailangan na ng “positibong” government intervention para matulungan ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na makabangon mula sa epekto ng pandemya.
Ito ang sinabi ni Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson, na dapat gawin sa halip na overregulation na pumipigil sa pribadong sektor na mas makatulong sa economic recovery.
Binubuo ng MSMEs ang halos 99.5 porsyento ng mga negosyo sa bansa at 63.2 porsyento ng kabuuang labor force.
Sakaling mahalal bilang Pangulo, sinabi ni Lacson na magpapatupad ito ng komprehensibo at targeted financial packages para sa MSMEs kasabay ng mga matatanggap na tulong mula sa pribadong sektor.
Dagdag pa ni Lacson, may ibang mga kumpanya tulad ng SM Group na nagbibigay ng loan sa mga suppliers, karamihan dito ay MSMEs na kanilang magagamit sa pagbangon mula sa pandemya.
Sa parte naman ng gobyerno, sinabi ni Lacson na may ilang government financial institutions na maaari ring makatulong sa MSMEs. “Maraming pamamaraan, pero dapat ang gobyerno doon mag-i-intervene positively,” ani Lacson.
