
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang South Korean na wanted sa bansa nito kaugnay ng pagkakasangkot sa illegal gambling nang tangkaing lumabas ng bansa.
Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Jaime Morente kay BI port operations chief Atty. Carlos Capulong, kinilala ang nadakip ng dayuhan na si Lee Taeyang, 31-anyos, na hindi na nagawang makapalag nang dakmain ng mga tauhan ng immigration officers habang papasakay ng Philippine Airlines flight patungong Phnom Penh, Cambodia.
Sa record ng BI, si Lee ay may arrest warrant na inilabas ng South Korean court at may red notice mula sa International Police o Interpol
Nabatid bago ang pagkakadakip sa nasabing dayuhan, dumaan ito sa immigration counter kung saan nang lumbas ang pangalan nito na nasa positive hit ng BI-Interpol Derogatory system at natuklasang kinansela na rin ng South Korean government ang pasaporte nito ay agad na inaresto.
Sa impormasyon ng national central bureau (NCB) ng Interpol sa Manila, lumalabas na si Lee ay wanted sa kasong illegal gambling kung saan nakipagsabwatan ito sa iba pang suspek para magtayo ng isang gambling sites gamit ang internet.
Sa pamamagitan umano ng nasabing gambling site, na tumakbo mula Disyembre 2018 hanggang Enero 2019 kung saan nagawang mapatakbo ang resulta ng mga foreign at domestic sports competition tulad ng soccer, volleyball at baseball.
Ang mga tumataya ay nagde-deposit ng pera sa bank accout ng sindikato kung saan kumita ang mga ito ng mahigit sa 4 billion won o katumbas ng US$33.6 milyon.
Dahil dito naglabas ng arrest warrant ang Cheonglu district court noong Disyembre 17, 2020 dahil sa nilabag nito ang national sports promotion act ng Sokor.
Kasalukuyang nakadetine sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Lee habang inihahanda ang pagpapatapon pabalik sa South Korea para harapin ang kaso nito.
