
Ni NOEL ABUEL
Umapela si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa pamahalaan na pag-isipang muli ang posisyon nito kaugnay ng e-sabong kasunod ng mga ulat na nasa 30-katao na ang dinukot at patuloy na nawawala matapos masangkot sa naturang online cockfighting game.
“We once again call on the government to rethink their position on e-sabong and to act immediately on these cases,” ani Cayetano.
Aniya, hindi dapat balewalain ang nangyayaring krimen na may kinalaman sa e-sabong na sumisira sa imahe ng bansa.
Bukas ng umaga ay magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs sa pamumuno ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, upang hanapan ng solusyon ang pagkalulong ng mga Filipino sa e-sabong.
Sinabi pa ni Cayetano na iimbitahan sa imbestigasyon ang kinatawan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ang Philippine National Police (PNP) para tumulong sa paglutas ng misteryo sa likod ng pagdukot sa 30 indibiduwal sa gitna ng mga ulat na ang mga pagkawalang ito ay nauugnay sa e-sabong.
Idinagdag pa ni Cayetano na may iba pang kahalintulad na pangyayari dahil sa e-sabong kabilang ang kaso ni Laguna patrolman Glenn Angoluan na inaresto noong Pebrero 21, 2022 matapos pagnakawan ang isang gasoline station sa Santo Tomas, Batangas para mabayaran ang pagkakautang nito sa e-sabong.
Gayundin, ang kaso ng isang 19-anyos na lalaki ng nakilalang si Erick John Suelto ng Maco, Davao de Oro na naaresto noong Nobyembre 2021 matapos hindi mabayaran ang pagkakautang nito sa e-sabong.
“‘Wag nating hintayin na mas marami pa ang mawala at mabaon sa utang. Let’s protect our kababayans, especially our youth,” ani Cayetano.
Sinabi pa nito na sa halip na online gambling, ang gobyerno ay dapat na lumikha ng mas maraming trabaho at mga pagkakataon sa kabuhayan, isang pagkakataon na baguhin ang paraan ng kanilang pamumuhay.
