
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na dapat na magdahan-dahan sa pagluluwag at pagbaba sa Alert Level 1 ang Metro Manila dahil sa hindi pa rin naman nawawala ang banta ng COVID-19 virus.
Ayon sa senador, marami nang natutunan at nalampasang mga pagsubok ang bansa sa pakikipaglaban sa pandemya sa loob ng dalawang taon kung kaya’t hindi dapat itong masayang.
“Marami na tayong natutunan at nalampasang mga pagsubok sa ating pakikipaglaban sa pandemya sa nakalipas na dalawang taon. Patuloy na ngayong bumababa ang mga kaso ng COVID-19 at tumataas din ang bilang ng mga bakunado sa bansa,” sabi nito.
Nagpasalamat din ito sa matagumpay na kampanya ng pamahalaan na mapalakas ang healthcare system sa bansa upang maabot sa lahat ang pangangailangan ng taumbayan.
“Gayunpaman, huwag muna tayong maging kumpiyansa. Delikado pa rin ang panahon hanggang nandirito pa ang banta ng COVID-19. Kaya mahalaga na mapag-aralan nang mabuti ang dahan-dahang pagluluwag at pagbaba sa Alert Level 1 lalo na sa Metro Manila,” giit pa nito.
“Siguraduhin natin na nakalatag na ang mga patakarang kailangan upang masigurong ligtas ang mga komunidad. Manatili po tayong disiplinado ngayong unti-unti nang nagbabalik sa normal ang ating pamumuhay. Alalahanin po natin na pinakaimportante ang buhay ng bawat Pilipino,” dagdag pa ni Go.
Muli ring umapela si Go, chairman ng Senate Committee on Health sa mga hindi pa rin nababakunahan na samantalahin ang libreng COVID-19 vaccines na ibinibigay ng gobyerno para tuluyang maabot na ang herd immunity.
“I also reiterate my appeal to all qualified Filipinos to get their vaccines and booster shots once eligible. Tulad ng palagi kong sinasabi, ang bakuna at ang pagsunod sa mga patakaran ang tanging susi at solusyon para tuluyang malampasan na ang pandemya,” apela pa nito.
