
Ni NOEL ABUEL
Unti-unting bumabalik ang kasaysayan ngunit may mga bahagi ng kasaysayan na hindi na dapat balikan, gaya noong panahon ng Martial Law kung saan talamak ang lahat ng uri ng pang-aabuso, na umabot sa paglilimas ng kaban ng bayan ng mga noo’y naghari-harian na galawang magnanakaw ang dating.
Ito ang inihayag nina Partido Reporma standard-bearer Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na nagpaalala sa mga Pilipinong walang magandang idinulot ang diktadurya sa bansa, taliwas sa mga ipinapakalat na kuwento ng ilang kampo.
Sinabi ng tambalang Lacson-Sotto na hindi dapat makalimot ang sinuman, lalo ‘yung mga nabuhay na ng mga panahong ‘yon, sa mga pangyayaring naganap kung bakit nag-aklas ang libu-libong mga Pilipino para patalsikin ang gobyerno ng isang abusadong diktador.
“Paano mo makalimutan ‘yung na-ransack ‘yung treasury ng bansa. Pati ‘yung Central Bank, walang kamalay-malay, wala na palang laman, wala na pala ‘yung reserves natin, wala na palang pera kung saan napunta. Paano natin makakalimutan ‘yon?” tanong ni Lacson.
“Gusto ba natin mag-undergo uli ng ganoon na dahil sa abuse ay nagkaloko-loko ‘yung bansa natin? Pati ‘yung moral values nawala e kasi sipsipan ang nangyari. Ito ‘yung masamang parang idinulot din,” dagdag pa niya sa ginanap na ‘Meet the Press’ forum noong nakaraang Huwebes, Pebrero 17.
Sinabi ni Lacson na itong kultura ng sipsipan o palakasan sa gobyerno ang wawakasan nila ni Sotto sakaling magwagi bilang pangulo at pangalawang pangulo sa halalan.
Batid ni Lacson na bagama’t napatalsik sa puwesto ang isang diktador ay laganap pa rin ang kulturang ito sa gobyerno.
“Nadala ‘yan hanggang ngayon, ‘di ba? Kaya sabi nga namin dapat ‘pag ikaw namumuno isa lang ang standard, hindi pwedeng double standard. ‘Yung marunong sumipsip libre, ‘yung medyo malayo, ‘yon ang tatamaan. We cannot rule that way, we cannot govern that way,” sabi ni Lacson.
Matatandaang ang kultura ng palakasan ang naging mitsa ng pag-aaklas ng ilang mga miyembro ng militar noon na nag-udyok sa kanila upang itatag ang Reform the Armed Forces Movement (RAM). Pinamunuan ito ng kaklase ni Lacson na si dating army colonel Gregorio ‘Gringo’ Honasan.
Nilinaw ni Lacson na bagama’t magkaklase sila ni Honasan ay hindi siya napabilang sa RAM dahil nakadetalye siya noon sa Metropolitan Command (MetroCom) na nasa ilalim ng Military Intelligence and Security Group at pinamunuan ng yumaong si Col. Rolando Abadilla.
Ayon sa kasaysayan, malaki ang papel na ginampanan ng RAM sa pagpapabagsak ng pamahalaang Marcos kung saan naging laganap ang katiwalian at iba’t ibang uri ng pang-aabuso. Kinilala ito ni Lacson bilang isa sa mga bagay na nagtulak sa mga Pilipino para magsagawa ng mga kilos protesta sa EDSA.
“Sobrang abuso, so umabot sa EDSA revolution. Nasa military ako noon. I wasn’t part of the RAM, even if si Senator Gringo kaklase ko because I was assigned sa MetroCom. Probably dahil ang boss ko ‘non si Colonel Abadilla, so hindi ako nalapitan ng mga mistah ko. Siguro iniisip nila baka maging security risk pa ako sa kanila. Pero hindi nila ako masyadong kilala siguro na, ako, prinsipyo lagi tinatayuan ko,” kuwento ni Lacson.
Samantala, pinayuhan naman ni Sotto ang mga Pilipino, lalo ang mga hindi nabuhay noong Martial Law, na huwag basta magpapaniwala sa mga kasinungaliang ipinapakalat ng ilan na naging maganda at maayos diumano ang buhay ng mga Pilipino noong mga panahong ‘yon.
Para sa kasalukuyang Senate President, walang katotohanan ang konsepto ng ‘historical revisionism’ o pagrerebisa sa kasaysayan dahil hindi na maaaring baguhin ang mga pangyayari sa nakaraan na naganap na.
“History is history. It has happened. Papaano mong makakalimutan? Gusto mong kalimutan, ikaw ‘yon, ‘di ba? Pero history will never forget history. Ganoon ang pananaw ko,” ayon kay Sotto na may mga personal na karanasan noong kasagsagan ng EDSA I.
Si Sotto ay aktibo pa sa showbiz noong 1986 at ikinuwento na nasa loob ito ng kanyang recording studio sa Libis, Quezon City sa likod ng White Plains Avenue, Camp Aguinaldo noong nagaganap ang makasaysayang rebolusyon.
Ang mga tensyonadong sandali sa pagitan ng ilang mga sundalo at sibilyan sa palibot ng EDSA ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon para isulat ang kantang “Magkaisa” na sumikat at labis na tumatak sa isipan ng mga Pilipino.
Sinabi rin ni Sotto na sa halip na panahon ng ‘martial law,’ ang dapat balik-balikan at sariwain ng mga Pilipino ay ang 1986 People Power Revolution, kung saan naging inspirasyon ang Pilipinas ng iba pang mga bansa sa mundo na ninais ding makalaya sa mga magnanakaw at mapang-abusong gobyerno.
