Pantawid Pasada Program gagawing batas

Senador Win Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Pinag-aaaralan ni Senador Win Gatchalian na maghain ng panukalang batas na naglalayong gawing batas ang Pantawid Pasada Program para maibsan ang epekto ng pagsipa ng presyo ng langis sa mga pinakaapektadong sektor kagaya ng pampublikong transportasyon.

“Subok na at napatunayang mainam itong programa. Nagawa na natin ito dati noong nangyari ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado,” ani Gatchalian.

Aniya, upang mapabilis ang pagtanggap ng fuel subsidy, ay kailangan ang paggamit ng e-wallet ng mga target na benepisyaryo.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), umabot na sa P6.80 o 10.85% kada litro ang itinaas ng presyo ng gasolina simula noong Disyembre 28 hanggang sa kasalukuyan, samantalang nasa P10.20 o 21.70% ang karagdagang presyo ng diesel at P8.23 o 15.86% naman ang sa kerosene.

Sinabi ni Gatchalian na kayang matustusan kung gagawing pangmatagalang programa ang Pantawid Pasada sa halip na suspendehin ang excise tax sa petrolyo dahil mismong ang Department of Finance (DOF) na ang nagsabi na hindi magiging patas ito sa mamamayan at makakasama pa sa pangmatagalang paglago ng ekonomiya ng bansa.

Ang pagsuspinde umano sa excise tax sa mga produktong petrolyo ay magdudulot ng kabawasan sa koleksyon ng gobyerno na aabot sa P271.238 bilyon samantalang ang gastusin sa Pantawid Pasada Program ay aabot lamang sa P1.936 bilyon, sakop na ang lahat ng public utility vehicles (PUVs).

Sinabi ni Gatchalian na ang halos P2 bilyong pondo ay nasa 2022 General Appropriations Act (GAA) na at mayroong nakalaan sa GAA na P2.5 bilyon para sa patuloy na pagpapatupad ng naturang programa.

Samantala, nakatakdang tumanggap ang bawat isa sa 377,443 na benepisyaryo ng programa ng fuel subsidy na nagkakahalaga ng P6,500 oras na ipatupad muli ang programa pagdating ng Abril.

Leave a comment