Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. inisnab ang presidential debate

Ni NOEL ABUEL
Nakahanda na si Senate President Vicente Sotto III sa debate at makaharap ang mga katunggali nito sa pagkapangalawang pangulo para magkaalaman kung ano ang mga plano ng mga ito para mapabuti ang sitwasyon ng buhay ng mga Filipono.
Ayon kay Sotto, noong buwan pa lamang ng Agosto ng nakalipas na taon bago pa magdesisyon itong tumakbo sa May 2022 elections bilang vice presidential candidate katambal si Senador Panfilo Lacson ay nais na nitong makadebate ang lahat ng pulitiko para malaman ang gagawin sa buhay ng mga Filipino.
“Sa amin kasi for ilang months na ito, August pa of 2021 sinasabi na namin mga gusto naming gawin. Kaya natutuwa ako lately narinig ko ibang kandidato sinasabi ang sinasabi namin. Na-echo nila,” sabi ni Sotto.
Nabatid na ngayong darating na Pebrero 26, araw ng Sabado ay magsasagawa ang CNN Philippines ng vice presidential debate sa pagitan ng 7 kandidato na nagkumpirma nang dadalo kabilang sina Sotto, dating Rep. Walden Bello, Manny SD Lopez, Rizalito David, Senador Francis Pangilinan, Carlos Serapio, at Dr. Willie Ong.
Samantala, hindi naman dadalo sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Rep. Lito Atienza sa nasabing debate.
Habang sa arw ng Linggo, Pebrero 27, ay isasalang naman ang presidential debate ng siyam na nagkumpirmang lalahok sa debate kabilang sina Lacson, Leody de Guzman, Ernesto Abella, Jose Montemayor Jr., Norberto Gonzales, Senador Emmanuel Pacquiao, Faisal Mangondato, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at Vice President Leni Robredo.
Sinasabing si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay hindi makakalahok sa debate dahil sa conflict of schedule.
Ayon pa kay Sotto, ang debate ang pinakatamang lugar para malaman ng mga botante ang plataporma at mga pangakong gagawin sa sandaling manalo sa eleksyon.
Aniya, may mga pagkataong sa debate ay may ilan na magbabago ang isip kung sino ang tunay na iboboto sa eleksyon.
“Pagkatapos ng debate, sabi ng anak niya, nagbago ang isip ko, iboboto…si Sotto,” sabi nito.
