
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte sa mga botante na gumawa ng sariling sample ballot bago magtungo sa voting precinct upang hindi masayang ang boto ng mga ito.
Ginawa ni Duterte ang panawagan nang magtalumpati ito sa Iloilo Convention Center para harapin ang mga tagasuporta nito sa BBM-Sara UniTeam.
Paliwanag ng alkalde, malaking tulong ang sample ballots sa panahon ng eleksyon lalo na at masyadong mahaba ang balota at marami ang pangalang pagpipilian.
“Alam ninyo po sa study na ginagawa ng pulsers at surveyors lagi po tayong mga botante anim lang ang mga binoboto na senators dahil daw minsan wala silang kopya. Hindi na nila maalala kung sino ‘yung mga senators na iboboto nila,” paliwanag ni Duterte.
“Pangalawa, dahil sa haba ng balota natin, haba ng balota natin sa sobrang dami ng pangalan, tinatamad yung mga botante maghanap nung kanilang mga pangalan sa mga senators. Kaya nire-remind ko po kayong lahat na sa araw po ng ating eleksyon, maghanda po tayo ng ating sample ballot,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Duterte na ang mga sample ballot ay dapat na maglaman ng numero na nakatalaga sa isang kandidato gayundin ang apelyido.
“Tayo ay binigyan ng batas na pumili ng 12 na senators, so reminder lang po ‘yan sa inyong lahat sa araw ng election day. ‘Yan po kanina sinabi ko na sa inyo ang aming senators, nagsasabi silang lahat na meron silang lakas na tumulong sa ating bayan, gagawa ng batas ang mga iyan sa ating Senado,” sabay turo sa mga kasama nitong mga senatoriables.
Kabilang sa mga kasama ng Uniteam sa Iloilo ang kanilang 12 senatoriables na sina dating Senador Jinggoy Estrada, dating Mayor Herbert Bautista, dating DPWH Sec. Mark Villar, dating Senador Loren Legarda, Harry Roque, Rodante Marcoleta, Larry Gadon, dating Senador Gringo Honasan, Gibo Teodoro, Senador Sherwin Gatchalian, Senador Migz Zubiri at si Robin Padilla.
