
Ni NOEL ABUEL
Malaking sampal sa Philippine National Police (PNP) ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga nawawalang sabungero sa bansa na hanggang ngayon ay wala pang nasosolusyunan.
Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kung saan kinalampag nito ang PNP na aksyunan ang biglaang pagkawala ng nasa 39 indibiduwal.
“Failing to resolve these cases will be a big slap or an embarrassment to the PNP,” sabi ni Lacson, na dati ring namuno sa PNP.
Umaasa aniya ito na sa pag-aksyon ng Senado sa nasabing usapin ay kikilos na ang PNP upang malaman na ang tunay na motibo sa sunud-sunod na pagdukot sa mga sinasabing may kaugnayan sa e-sabong.
Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na ang sabong ay isang billion-dollar industry kung kaya’t dapat na madaliin ang pagpapalabas ng resolusyon ng isinasagawang Senate investigation upang tuluyang malutas na ang pagkawala ng mga nasabing indibiduwal na may kaugnayan sa “sabong” o cockfighting at “e-sabong”.
Paliwanag ni Sotto, ang sabong ay kilalang pastime noon pang 6,000 taon na mahigpit na kalaban ng larong basketball sa Pilipinas.
“There is no pastime in the Philippines that is as popular and as old as “sabong.” It is said to be a billion-dollar industry, making cockfighting a great source of revenue for the country,” ani Sotto.
Hinamon naman ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng nasabing komite, ang PNP na dapat na kumilos para mahanap ang mga nawawalang sabungero kahit pa ang sangkot dito ay maimpluwensyang indibiduwal.
“You are the Philippine National Police. No one can stop you in your investigation. So double time your efforts because the entire country is watching your investigation and hoping that you can resolve these cases soon,” ani Dela Rosa, na dati rin naging hepe ng PNP.
“You can run, but definitely you cannot hide,” banta pa ni Dela Rosa sa mga nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.
