Pamamahagi ng fuel subsidy pinamamadali ni Senador Imee Marcos

NI NOEL ABUEL

Pinatitiyak ni Senador Imee Marcos sa pamahalaan na naisaayos na ang mga natitirang balakid sa agarang paglalabas ng fuel subsidy sa sektor ng transportasyon at agrikultura, kasunod ng pagsirit ng presyo ng langis sa $100 kada bariles.

Babala ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, na lalo pang sisirit ang presyo ng krudo at gas sa world market at mas magmamahal ang lokal na mga gasolina matapos bombahin ng Russia ang Ukraine at kung iipitin ng ibang bansa ang mga ini-export na langis ng Russia.

“Dapat na nating isapinal ASAP ang implementing rules and regulations para sa paglalabas ng P500 million na fuel subsidy sa mga magsasaka at mga mangingisda,” giit ni Marcos sa Department of Agriculture (DA).

Kasabay nito, iginiit din ni Marcos sa Department of Budget and Management (DBM) na ‘wag nang hintayin pa ang Abril at ilabas na agad ang mga ayuda o subsidiya para sa mga driver ng public utility vehicles, mga taxi, mga traysikel, at mga delivery driver.

Sa ilalim ng Special Provision No. 8 ng 2022 General Appropriations Act, pwedeng maglabas ang gobyerno ng P2.5 billion na pang-fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon kapag pumalo ang ‘average’ na presyo ng krudo ng Dubai sa $80 kada bariles sa loob ng tatlong buwan.

Pero sinabi ni Presidential spokesman Karlo Nograles na hindi pa nakapagdedesisyon ang DBM kung paano intindihin ang tatlong-buwang itinakdang panahon na magbibigay-hudyat sa paglalabas ng mga nasabing subsidiya.

“Dapat desisyunan na natin kung ang ‘time frame’ o itinakdang panahon ay pinasimulan nitong Enero o mas maaga. Ngayong lampas na sa $100 kada bariles ang langis, ang ‘average’ na presyo ng krudo mula Nobyembre ay maaaring umabot sa $80 sa darating na linggo,” ani Marcos.

Sa harap nito, nanawagan si Marcos sa Department of Energy na humanap ng iba pang pagkukunan ng supply ng krudo para mabawasan o hindi laging umaasa ang Pilipinas sa importasyon ng langis sa Middle East.

“Pwede  tayong bumili ng mas murang langis sa China, Russia at iba pang malalaking bansang supplier na hindi saklaw ng parusa o sanction system ng mga Western nations. Simulan din natin makipag-usap sa Venezuela at African countries para mapatatag ang ating supply at maparami ang reserbang langis,” rekomendasyon pa ni Marcos.

“Sa katagalan, pwede nating bawasan ang pagdepende sa mga gasolina at mas subukan ang wind o solar energy. Ang tagumpay natin sa Ilocos Norte ay pwede rin nating gawin sa buong bansa,” dagdag pa ni Marcos.

“Kulang pa tayo sa komprehensibong plano para sa enerhiya maliban sa UC Malampaya. Pwede nating tuklasin ang iba pang lokal na pagkukunan ng enerhiya kasama ang China, Japan, Australia at New Zealand, kapag nagawa nating mas nakaka-engganyo ang sistemang pagbubuwis para mamuhunan sila sa bansa,” sinabi pa ni Marcos.

Leave a comment