21 Pinoy seafarers sapul sa Russian missiles  

DFA, DOLE, OWWA pinakikilos

Ni NOEL ABUEL

Pinakikilos ng isang kongresista ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment  (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para tulungan ang 21 Filipino seafarers na tinamaan ang sinasakyan ng mga itong Panamanian-flagged cargo ship ng Russian missile.

“I appeal to the DFA, DOLE, and OWWA to quickly come to the aid of the 21 Filipino crew of the Millennial Spirit,” giit ni Agusan del Norte Lawrence Fortun.

Nabatid na tinamaan ng missile ng Russia ang fuel/tanker na sinasakyan ng mga Pinoy seafarers sa hindi malamang kadahilanan kung saan agad namang nagresponde ang Ukranian vessels para masagip ang mga tripulante.

“Ngayon, may pakialam na talaga tayo sa nangyayari sa Ukraine dahil mismong mga kababayan na natin ang nadamay,” pahayag ni Fortun.

“The Government of Poland is busy attending to refugees. Maybe our Embassy in Turkey which has a coastal border on the Black Sea can help.  Or maybe it might be safer for our Embassy in Turkey to look for people who can reach our seafarers in distress in the war zone there,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa mambabatas, dapat na kondenahin ng DFA ang pag-atake ng Russia sa sinasakyang Millennial Spirit tanker na may dalang 600 toneladang diesel ng mga Pinoy seafarers.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na inaalam ang kondisyon ng 21 Pinoy seafarers kung saan dalawa ang unang iniulat na sugatan at agad na dinala sa pagamutan.

Sa kasalukuyan ay nasa Poland na si DFA Sec. Teodoro Locsin Jr. at nakipag-usap sa mga opisyales ng embahada upang alamin ang sitwasyon ng mga Pinoy sa Ukraine.  

Leave a comment