
Ni NOEL ABUEL
Aminado si Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno Domagoso na kinakabahan ito sa nakatakdang debate na mangyayari sa darating na Linggo sa CNN Philippines’ presidential debate na inaasahang dadaluhan ng 10 presidential aspirants.
“Nakakakaba. But just the same, sabi ko nga, aplikante kami ni Doc Willie (Ong), nagtatrabraho kami. Kailangan naming magpa-interview sa HR. ‘Yung HR department, ‘yun ‘yung taumbayan na manonood. Aplikante ka sa trabaho, sabihin mo ‘yung karanasan mo, kaya mong gawin at mga naiisip po para naman makapagpagaan sa katatayuan ng ating mga kababayan,” sabi ng 47-anyos na si Moreno
Nguni sa kabila nito, sinabi ni Moreno na nasasabik itong dumalo sa debate dahil sa binibigyan aniya ito ng pagkakataong maipakita sa mga botante ang kanyang adhikain para sa mamamayagng Filipino at mga plataporma at programa kung papaano ito makakamit.
“Kasi ako, nag-a-apply sa ‘yo ng trabaho, ikaw Pilipino, syempre kung ako ‘yung iha-hire mo, di ba gusto mo tanungin din ako sa mga bagay na concern mo? Just imagine yourself as a voter, you are the HR, paano mo naman ako tatanggapin kung hindi mo naman ako na-interview? Kung ‘yun ba kaya kong gawin o kaya kong tupdin, ‘yung responsibilidad na iniaatang mong posisyon na bibigay mo bilang botante sa akin,” paliwanag pa ni Moreno.
Magugunitang una nang dumalo ang alkalde ng Maynila sa Jessica Soho interviews noong Enero 22 at noong Pebrero 4 sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) presidential forum.
Sa isinagawang survey ng big data research firm, Tangere, ay nagpakita na 65 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing si Moreno ang pinakamumukod-tangi sa mga presidentiables sa panayam ni Jessica Soho at sa KBP forum kung saan nakakuhan naman ito ng 54 porsiyento.
Ayon pa sa Tangere, si Mayor Isko ang nagpakita na may malinaw at tiyak na patakarang pang-ekonomiya upang matugunan ang iba’t ibang isyung inaalala ng taumbayan.
Nangako si Moreno na sa sandaling manalo ito sa eleksyon, itataguyod nito ang “Life and Livelihood” economic policy na naglalayong tugunan ang kahirapan, kagutuman kawalan ng trabaho, at kawalan ng hustisya sa lipunan at patas na pagpapatupad ng imprastraktura sa ilalim ng kanyang 10 point Bilis Kilos Economic Agenda.
Upang makamit ito, ipagpapatuloy aniya nito ang Build, Build Build program ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakasentro sa pagpapatayo ng mas maraming pampublikong pabbahay, mas maraming pampublikong paaralan at mas maraming pampublikong ospital sa buong bansa upang makalikha ng mas maraming trabaho at oportunidad sa mamamayan.
Gayundin, upang maibsan ang kalagayan ng taumbayan at maprotektahan ang industriya at makipagtulungan sa Kongreso para mabawasan ang buwan sa dalawang pinakapangunahing produkto, ang langis at kuryente.
Pinangako rin ni Moreno ang bubuhayin at susuportahan nito ang sektor ng MSME sa pamamagitan ng tulong ng lokal na pamahalaan at pagsusulong ng turismo sa pamamagitan ng pagtatatag ng tourism highways at tourism circuits.
