Regional agri centers ilalaan para sa mga magsasaka at mangingisda

Ni NOEL ABUEL

Kailangan na magtayo na ng mga regional agri centers sa buong bansa upang matulungan ang mga  magsasaka at mangingisda.

Ito ang kabilang sa mga napag-usapang isyu sa ginanap na pakikipagdayalogo ng Lacson-Sotto tandem sa iba’t ibang sektor sa mga magsasaka at mangingisda sa probinsya  ng Batangas na ipinarating ang matagal nang problema na kanilang nararanasan.

Ayon kina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang pagtatatag ng mga food terminal o agricultural consolidation center sa bawat rehiyon ang magdudulot na ginhawa sa mga magsasaka at mangingisda.

“Alam ninyo, iisa ‘yung ating food terminal, sa Taguig. Ang problema ito’y naibenta pa, naging privatized pa, nag-iwan lang ng maliit na bahagi para sa food terminal gamit ng gobyerno. Hindi po ba dapat, at least bawat rehiyon, mayroon tayong tinatawag na agricultural consolidation center na kung saan ito’y kumpleto ng pasilidad,” paliwanag ni Lacson.

“Kasi may mga lugar sa Pilipinas, alam niyo, sa Tawi-Tawi saganang-sagana sa isda. Halos ipamigay daw ‘yung isda doon. Ang problema, paano dadalhin ng magsasaka o mangingisda ‘yung huli nila sa Metro Manila o sa Luzon? Lalaki ‘yung presyo,” lahad ni Lacson sa harap ng mga magsasaka at mangingisda sa Batangas.

Dagdag pa ng mga ito na matagal na nilang tinututulan ang pagpapabaya sa sektor ng agrikultura dahil sa hindi tamang paggamit sa pondong inilalaan para sa kanila, kasabay pa ng pagpapahintulot ng ilang ahensya sa importasyon ng produkto na meron naman sa ating bansa.

Bukod sa pagpapasa ng batas tulad ng Free Irrigation Act para ayudahan at bigyang subsidiya ang mga magsasaka, nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Senado sa pamumuno ni Sotto, para alamin ang ugat ng smuggling sa mga produktong pang-agrikultura.

Matatandaang hinimok din ni Lacson ang Department of Agriculture para sampahan ng kaso ang mga opisyal nito na sangkot sa pagbili ng mga palpak na makina para sa mga magsasaka na benepisyaryo ng gobyerno.

Paulit-ulit ang Lacson-Sotto sa paalala sa mga Pilipino na katiwalian sa gobyerno ang ugat ng lahat ng mga problemang nararanasan sa ating bansa, kaya ito rin ang ipinangako nilang masusugpo kung sila ang mamumuno sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Ayon kina Lacson at Sotto, makakaya nilang maipatupad nang wasto ang mga batas na kanilang nilikha sa Senado para maibigay sa publiko ang serbisyo at benepisyo na plinano nila, ngunit hindi lamang naiimplementa nang maayos dahil sa mga ganid na opisyal na inuuna ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Leave a comment