Sen. Bong Go sa mga kandidato: Sumunod sa health protocols

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa mga kandidato at mga tagasuporta ng mga ito na sumunod sa itinatakdang health protocols sa pangangampanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang hindi kumalat ang COVID-19 cases sa bansa.

“Muli akong umaapela sa lahat na maging responsable tayo para sa kaligtasan at kalusugan ng ating kapwa Pilipino. Sa kabila ng ating magkakaibang paniniwala, naririto tayo para maglingkod, at ang buhay at kapakanan ng ating mga kababayan ang ating pangunahing dapat na isaalang-alang,” apela ni Go sa mga kandidato.

Aniya, bagama’t nasa tamang landas na ang bansa sa pagkamit ng 70 porsiyento na target sa pagbabakuna, dapat na patuloy na mahigpit na sundin ang ipinag-uutos ng mga health protocols at kaligtasan ng lahat tulad ng wastong paggamit ng mask at social distancing.

“Hindi natin dapat pabayaang mawala ang ating unti-unting pagwawagi laban sa COVID-19 sa nakalipas na dalawang taon lalo na’t may papasok nang bagong administrasyon sa susunod na mga buwan. At kahit papalapit na ang araw ng halalan, hindi titigil ang Administrasyong Duterte sa pagseserbisyo sa inyo hanggang sa huling araw ng kanilang termino,” ayon pa kay Go.

Sa huli, tiniyak ng senador sa mga Pinoy na may liwanag sa dulo ng lagusan at muling hinimok na manatiling mapagbantay at hindi titigil ang pamahalaan na tuluyan nang mawala ang COVID-19  virus sa bansa.

“Mahirap man ang ating mga pinagdaanan, tinitingnan ko ang buong sitwasyon nang may pag-asang maipapamahagi sa inyo dahil unti-unti na nating nakikita ang sinasabing ‘light at the end of the tunnel’. Pero sa kabila ng mga ito, hindi pa rin tayo dapat maging kumpiyansa. Sa halip, gawin natin itong isang malaking oportunidad para matuto at magkaisa tungo sa isang magandang bukas,” giit nito.                

“Habang naghahanda tayo patungo sa pagbabalik sa normal, kailangan nating matutong mamuhay nang ligtas kahit na may panganib pa ng virus. Kailangan nating patuloy na mag-ingat habang unti-unti nating binabawi ang mga panahong nawala sa atin sa nakalipas na dalawang taon,” dagdag pa ng senador.

Leave a comment