Sen. Ping sa gobyerno: Maghanda sa epekto ng giyera sa Europe

Ni NOEL ABUEL

Nararapat lamang na paghandaan ng pamahalaan at ng mga ordinaryong Pilipino ang epekto, lalo na sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, dulot ng nagaganap na iringan ng Russia at Ukraine.

Ito ang sinabi ni Partido Reporma standard-bearer Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na nagsabing bagama’t malayo sa Pilipinas ang bakbakan ay posible pa rin nitong matamaan ang kabuhayan ng mga Filipino.

Aniya, kung ito umano ang kasalukuyang pangulo ng bansa ay agad nitong ipatatawag ang mga eksperto sa ekonomiya para pag-usapan ang maaaring dagok nito sa ekonomiya ng bansa.

“Sa tingin ko pwede na ipatawag, especially ‘yung ating economic managers, ‘yung economic cluster. Kasi nga anticipate na natin ‘yung magiging epekto sa ating ekonomiya, lalo pa nga’t nasa pandemya pa tayo, hindi pa talaga nakaka-recover, especially ‘yung mga MSMEs natin,” pahayag ni Lacson.

Sabi pa ng presidential candidate, ngayong umabot na sa higit $100 kada barrel ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, asahan aniya ang pagtaas sa presyo ng pangunahing bilihin, pamasahe, at iba pang serbisyo na direktang tinatamaan ng pagbabago sa gastos sa transportasyon.

“Doon na makikita natin ang tama niyan sa pangkaraniwan nating mga kababayan, hindi lang transport sector kung hindi ‘yung mga commuter, kasi sa ngayon may nagpe-petition na ng taas ng pasahe. Tapos, siyempre, ‘yung presyo ng mga goods at saka mga services tatamaan din kasi gumagamit lahat ‘yan ng langis,” paliwanag ni Lacson.

Samantala, pinuri naman ni Lacson si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin dahil sa mabilis nitong pag-aksyon upang matulungan ang higit 300 Pilipino na nasa Ukraine, makaraang tumaas ang tensyon dito dahil sa kautusan ni Russian President Vladimir Putin na itaas ang opensiba ng kanilang militar.

Kasalukuyang tumutulong na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipino na naipit sa mga lugar na may nagaganap na putukan para mailipat sa Poland matapos isara ang lahat ng paliparan sa Ukraine dahil sa kaguluhuan.

“I just hope na walang masaktan. Kasi nasa mga more or less 300 lang naman yata ‘yung mga kababayan natin pero maski isa lang ‘yung kababayan natin, obligasyon natin na ilikas sila sa lugar na ligtas,” sabi ni Lacson.

Si Lacson ay kandidato bilang susunod na pangulo ng bansa at kasalukuyang  chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification, and Reconciliation na may sapat na kaalaman sa pagbalanse ng mga usaping militar at geopolitikal.

Leave a comment