Uuwing OFWs mula Ukraine handang tulungan ni Mayor Isko Moreno

NI NOEL ABUEL

Nakahanda si Manila Mayor Isko Moreno Domagaso na tulungan ang overseas Filipino workers (OFWs) na mapipilitang bumalik ng bansa dahil sa patuloy na giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.

 “Why not? Lalo naman kung taga-Maynila sila. Eh meron namang kakayanan ng kaunti ang Maynila at kung hindi man sila taga-Maynila, baka makatulong kami on a personal level.  Ang importante lang naman d’yan eh ‘yung mabuhay sila. ‘Yung buhay, buo, kasama nila ulit ‘yung pamilya nila. Sama-sama silang magsikap ulit tapos may gobyerno silang masasandalan. ‘Yon sa tingin ko maitatawid na natin ang taumbayan,” sabi ni Moreno sa panayam ng mga mamamahayag sa General Trias City, lalawigan ng Cavite.

Sa pinakahuling datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), nasa mahigit sa 300 Filipino ang nasa Ukraine na karamihan ay nagtatrabaho bilang domestic helpers sa syudad ng Kyiv.

Paliwanag pa ng DFA, ilang Filipino pa rin ang nananatiling nasa Ukraine kahit may giyera na sa kadahilanang nangangamba na mawalan ng trabaho pagbalik ng bansa.

 “Pwede nila kaming lapitan at maaasahan nila kami na baka makatulong kami sa kanila,” ani Moreno.

 Sakaling manalo ang 47-anyos na si Moreno, ang unang gagawin aniya nito ay tuwing may sigalot sa ibang bansa at bilang usapin ng foreign policy sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay ililigtas nito ang buhay ng maraming Filipino.

 “Unang-unang policy is iligtas ko ‘yung mga Pilipino doon. Mamamayan muna before anything else. Masigurado ko na ‘yung mahal nila sa buhay dito sa Pilipinas, na ‘yung kanilang mga kaanak sa Ukraine ay makuha ng ligtas, buo, malusog sa lalong madaling panahon. ‘Yun ang gagawin ko, to save as many Filipinos as possible and that is my job as president. ‘Yun ang unang-una, first of everything. Buhay muna ng mga Filipino na OFW sa abroad ang mahalaga sa akin,” paliwanag ni Moreno.

“I hope wala pang nasasawing mga kababayan natin, and that is the job of the president. One of the key responsibilities is to protect every Filipinos in the country and in the world and I think sana by this time,  naniniwala naman na baka may ginagawa na sila at ayoko silang husgahan. But you’re asking me, if I get elected, that’s the first thing in the morning, pagmulat ng mata ko, kung ako’y presidente, ‘yun ang unang gagawin at iisipin ko. Paano sila maligtas at madala muli sa ating bansa o sa ligtas na lugar upang makapiling nilang muli ‘yung kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag pa nito.

 Aniya, hindi naman masisisi ang mga  OFWs sa Ukraine kung ayaw nilang umalis sa nasabing bansa kahit may giyera basta’t tiyakin lamang na nasa ligtas na lugar ang mga ito.

“Well, kung sa tingin nila eh ligtas sila, hindi natin sila masisisi na patuloy na makipagsapalaran sa ibang bansa as long as ligtas sila. Sana mapahalagahan nila ‘yung buhay. Pero in the same manner, kailangan unawain din natin ‘yung mga OFW na kaya sila nandon at lumayo, at masakit man sa damdamin nila na malayo sa mga mahal nila sa buhay dito sa bansa eh kailangan nilang maghanap-buhay,” sabi pa ni Moreno.

 “If they feel they are safe and always connect at makipag-ugnayan sa ating mga embahada, konsulado, then they can stay. But if they’re going to get my opinion over the situation mas papahalagahan ko ang buhay nila dahil baka mabigyan naman natin sila ng opportunity naman dito sa ating bansa,” dagdag nito.

Leave a comment