“Kung nagkaroon lang ng infectious disease hospital konti lang ang namatay sa COVID-19” — Ong

Ni NOEL ABUEL

Mas maraming Filipino sana ang nailigtas kung nagkaroon lamang ng infectious disease hospital ang bansa sa kalagitnaan ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Ito ang sinabi ni Aksyon Demokratiko vice-presidential candidate Doc Willie Ong sa ginanap na debate sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion, kasama ang anim na iba pang vice-presidential candidates nang mausisa kung ano ang plano sakaling muling maharap sa pandemya ang bansa.

Tugon ni Ong, maliban sa infectious disease hospital, ang pagkakaroon ng Cancer Center of the Philippines (CCP), modernong ospital sa bawat rehiyon sa bansa at mas maayos na access sa healthcare services na makakatulong para maiwasan ang pagkamatay at magbibigay sa bansa ng pagkakataong lumaban sa Covid-19.

“Alam ko hirap na hirap na ‘yung mga kababayan natin sa lockdown, hindi na alam ang gagawin. Simple lang po eh kailangan natin magtayo ng infectious disease hospital. Du’n natin ilalagay ‘yung mga Covid patients. Hindi pwede sa PGH (Philippine General Hospital) namamatay ‘yung ibang pasyente natin,” sagot ni Ong sa tanong ni Senate President Vicente Sotto III.

“Sana lang nagtayo tayo ng infectious disease hospital para hindi ilagay ang Covid patients sa PGH kasi nagrereklamo ‘yung mga doctors nadi-displaced ‘yung mga cancer patients, ‘yung ooperahan, kaya marami namatay sa atin nu’ng 2021. So, pag nakagawa tayo ng separate at least hindi na mao-over burden ‘yung mga hospitals dahil nagkakahawaan eh, naghahawa ‘yung Covid sa di Covid kaya di tayo makapagpa-check-up napupuno po agad. I think may tulong kung magtatayo pa tayo ng ospital para hindi tayo magkulang ng hospital bed po,” paliwanag pa ni Ong.

Maliban dito, sinabi ni Ong na dapat bumili ang national government ng mga bagong tuklas na gamot sa Covid-19 na makakabawas sa pagkakaospital at pagkamatay ng 88 porsiyento, tulad ng ginawa ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno.

“Kailangan ng magandang gamot para sa Covid. May gamot na po para sa Covid, Paxlovid ang pangalan darating sa Maynila (at) na order ni Mayor Isko Moreno, February 27, napakaganda nito. Sa Amerika bininigay ito hindi ko alam bakit hindi natin binibili. So ‘yung Remdesivir, Paxlovid and others na gagawin natin,” sabi ni Go.

Una nang naalaram si Ong sa mahigit sa 800,000 na naitalang nasawi noong 2021 kahit na sinabi  nitong ang pagbawas sa kabuuang bilang ng mga  namamatay bawat taon ay dapat na naging prayoridad ng pamahalaan.

“The National government should buy newly discovered Covid-19 medicines that can reduce hospitalization and deaths by 88%, just like what Manila is doing under Mayor Isko’s leadership,” ayon pa kay Ong.

Sinabi pa nito na ang 10-storey fully equipped Bagong Ospital ng Maynila Medical Center na itinayo ng Manila LGU ay maaaring maging modelo sa 17 rehiyon sa buong bansa.

Leave a comment