
Ni NOEL ABUEL
Tahasang pinabulaanan ni Senate President Tito Sotto III ang umano’y “projected tandem” nito kay presidential aspirant Ferdinand Marcos Jr.
Iginiit ni Sotto na nakatutok ito sa pangangampanya kasama ang kanyang ka-tandem at presidential aspirant na si Senador Panfilo “Ping” M. Lacson.
“I have not given it a thought. In my sphere we are working on the presidency of Sen. Ping Lacson,” ani Sotto sa CNN Philippines Vice Presidential Debates, nang mausisa tungkol sa posibilidad na siya ay manalo at si Marcos ang mahalal naman bilang Pangulo sa Mayo 9.
Sinabi rin ni Sotto na sakaling mahalal ito at si Lacson, gagamitin anila ang kanilang walong dekada sa serbisyo publiko para harapin ang mga samu’t saring problema ng bansa.
“After 30 years I think handa ako dito. So ganoon ang aking thinking…wala akong iniisip na kung iba ang mananalo at this point,” ani Sotto.
Dagdag pa ni Sotto, kapag nahalal sila ni Lacson bilang susunod na lider ng bansa, ibabahagi nila ang kanilang Katapatan, Kakayahan at Katapangan sa taumbayan.
“With these, I believe we will lead by example,” saad ni Sotto.
Sa kabilang banda, pinabulaanan din ni Lacson ang mga espekulasyon ng posibleng tandem niya kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at iginiit na si Sotto ang kanyang pipiliing makasama sa kampanya hanggang dulo.
Nananatili aniya ang kanilang pangangampanya para sa pagsasaayos ng gobyerno at buhay ng bawat Pilipino. (Aayusin ang Gobyerno, Aayusin Ang Buhay ng Bawat Pilipino).
Isinusulong din ng Lacson-Sotto tandem ang kanilang kampanya laban sa mga magnanakaw, at tiwali sa gobyerno.
