Nangyari sa Ukraine maaaring mangyari rin sa Pilipinas –solon

UN at NATO di dapat asahan

Rep. Ronnie Ong

NI NOEL ABUEL

Nababahala ang isang kongresista na maaaring magbigay ng lakas ng loob sa ilang makapangyarihang bansa na gumawa ng kahalintulad na aksyon na ginawa ng Russia sa Ukraine laban sa mga mahihinang bansa gaya ng Pilipinas.

Ayon kay AP party list nominee Ronnie Ong maaaring magpalakas ng loob ng iba pang makapangyarihang mga  bansa na may alitan sa mahihinang bansa ang ginagawa ngayon ng Russia sa Ukraine.

“Nakakabahala itong nangyayari sa Ukraine hindi lamang dahil malaki ang epekto nito sa pangkalahatang ekonomiya ng mundo kundi dahil maaari itong magbigay ng lakas ng loob sa ibang mga makapangyarihang bansa na gumawa ng kahalintulad na aksyon laban sa mga mahihinang bansa gaya ng Pilipinas,” sabi ni Ong.

Aniya, dapat itugma ng United Nations ang mga salita nito sa aksyon sa pamamagitan ng pagpapakilos ng multinational support upang direktang tumulong sa Ukrainians.

Aniya, bagama’t napakaliit ng Pilipinas at nakalayo sa Ukraine, dapat na mag-ambag ang bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tropa kung magdedesisyon ang UN na makialam at pakilusin ang mga multinational forces para itaboy ang pagsalakay ng Russia.

“Kailangang makiisa ang Pilipinas hindi lamang sa panalangin kundi maging sa panawagan at konkretong aksyon para lisanin ng Russia ang Ukraine,” sabi ni Ong.

Sinabi ng kongresista na ang kabiguan ng UN at mga makapangyarihang alyansang pangseguridad tulad ng NATO na pigilan ang pagsalakay ng Russia ay isang malupit at nakakabahala na paalala na ang maliliit at walang pagtatanggol na mga bansa tulad ng Pilipinas ay madaling masakop ng ibang makapangyarihang bansa.

“The UN and the NATO should walk the talk and show Russia that it cannot just invade another nation. Ang tila kawalan ng aksyon para mapigilan ang invasion ng Russia ay maaaring bigyan ng kahulugan na wala naman palang magagawa ang mga ito kapag ang sangkot ay isang superpower,” giit ni Ong.

“I’m sure maraming bansa ang nakahandang tumulong para lumakas ang pwersa ng UN kapag kailangan nitong makialam upang maibalik ang kapayapaan sa Ukraine,” dagdag  nito.

Ayon pa kay Ong na ang Pilipinas ay may katulad na kinalalagyan sa Ukraine dahil sa alitan nito sa teritoryo sa China.

Idinadagdag pa nito na ang paraan ng UN at NATO sa pagharap sa sitwasyon sa Ukraine ay isang “eye-opener” dahil napakalinaw na ngayon na ang Pilipinas ay walang ibang pagpipilian kundi ituloy ang negosasyon upang mapawi ag tensyon sa mga pinagtatalunang lugar.

 “Itong pangyayari sa Ukraine ay isang eye-opener dahil ipinapakita nito na di tayo maaaring umasa sa ibang bansa at sa mga alyansa. Kailangang tayo mismo ang gumawa ng mga hakbang upang tuloy-tuloy ang kapayapan,” giit pa ni Ong.

Leave a comment