
NI NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Jordanian-Israeli national na wanted dahil sa samu’t saring kasong kriminal na kinakaharap nito sa United Arab Emirates (UAE).
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang nadakip na dayuhan na si Tarek Nihad Siam, 45-anyos, na naaresto ng mga operatiba ng BI-fugitive search unit (FSU) sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Ermita, Manila.
Base sa Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, si Siam ay wanted sa Abu Dhabi dahil sa mga kasong may kinalaman sa physical assault, indecent assault at alcohol abuse.
Lumabas din sa isang pahayagan noong May 2017 na ang nasabing dayuhan ay pinaghahanap din ng mga UK authorities dahil sa pag-hijack sa dalawang luxury yachts sa Dubai na ginamit para sa human traffickers at gun runners.
Sinasabing ang nasabing mga yate ay pagmamay-ari ng kumpanyang pinapasukan ng suspek at at may hinala ang UK authorities na nasa Pilipinas ngayon ang nasabing sasakyang pandagat.
Sa record din ng BI, Enero 20200 nang dumating ito sa bansa at magmula noon ay hindi na umalis pa ng Pilipinas hanggang sa tuluyan itong madakip.
Sinabi ni Morente na mananatili si Siam sa kustodiya ng BI kasunod ng pagsabi sa NBI na naaresto na ito noong Enero 26 dahil sa kasong illegal gun possession at slight physical injuries.
“He will remain under the physical custody of the NBI pending resolution of the criminal cases against him by our local courts,” ayon kay Morente.
