

Ni NOEL ABUEL
Muling nanguna si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa pinakahuling Tugon ng Masa survey na isinagawa ng OCTA Research.
Sa isang tweet, ay ipinakita ni Dr. Guido David ang resulta ng presidential survey kung saan ay nakakuha si Marcos ng 55% preference votes.
Isinagawa ang survey mula February 12-17, matapos ang opisyal na paglulunsad ng campaign period para sa May 2022 elections.
Ayon sa OCTA Research, 1,200 na indibidwal ang rumesponde sa survey kung saan ay tinanong ang mga ito kung sino ang kanilang ibobotong presidente sakaling ganapin ang eleksyon ngayon.
Sumunod naman kay Marcos sina Vice President Leni Robredo na may nakuhang 15%; Manila Mayor Isko Moreno na may 11%; Senador Manny Pacquiao na may 10%; at Senador Panfilo Lacson na may 3%.
Ipinunto naman ni David na may margin of error na 3% ang survey.
