
Ni NOEL ABUEL
Umapela sa pamahalaan si Senador Imee Marcos na “kailangang-kailangan” na ang agarang paglilikas sa mga Pilipinong natitira pa sa bansang Ukraine na naiipit sa gulo sa pag-atake ng Russia.
Sinabi ni Marcos na mas namemeligro ang sitwasyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa desisyon ng European Union (EU) na suplayan ng matitinding armas ang mga sundalo ng Ukraine laban sa Russia.
Binigyang diin din ni Marcos na dapat nang magkasa ang pamahalaan ng mas malakihang paglilikas para sa mga OFWs sa Europe, sakaling umabot na ang giyera ng Russia-Ukraine sa iba pang bansa sa kanluran.
Nagdesisyon ang EU nitong Linggo na suplayan ng mga mabibigat at mas nakakamatay na mga armas ang mga sundalong Ukrainian at mas paigtingin ang pang-iipit sa ekonomiya ng Russia.
“Dapat mailatag nang mabilisan ang mga planong paglilikas para sa ating OFWs hindi lang sa Ukraine at Russia kundi maging sa kalapit nitong mga bansa na Belarus, Poland, Slovakia, Hungary, Romania, at Moldova. Kailangang matigil na rin ang pagbiyahe ng mga Pinoy sa nasabing mga lugar,” ani Marcos.
“Kapag lumala pa ang giyera, hindi lang Pilipinas ang mga bansang mag-aayos ng ligtas na paglikas ng kanilang mga mamamayan. Kaya ‘wag natin itong ipagpaliban, dapat ngayon pa lang kilos na,” dagdag pa ni Marcos.
Ayon kay Marcos, magkakaalaman sa susunod na mga araw kung matutuloy o huhupa ang pangambang ikatlong digmaang pandaigdig, depende sa resulta ng pulong ng United Nations Security Council, paghahatid ng mga pinondohang armas ng EU para sa Ukraine, o kung magtatagumpay ang usapang pangkapayapaan ng Russia at Ukraine.
“Harinawa, ang kapangyarihan ng panalangin ang magtulak ng peace talks hindi lang para sa kapakanan ng Russia at Ukraine kundi para sa buong mundo,” sabi pa ni Marcos.
