
NI NOEL ABUEL
Ipinangako ni Manila Mayor at presidential candidate Isko Moreno na hahabulin nito ang nasa P200 bilyong pagkakautang sa real state ng pamilya Marcos na hindi nagawa ng mga nakalipas na administrasyon sa sandaling manalo ito sa darating na May national elections.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Moreno na ang nasabing halaga ay nasa kamay ng Korte Suprema na dapat na bayaran ng Marcos family.
“I will make sure I will implement the decision of the Supreme Court, G.R. 120880, June of 1997 na may isang pamilya na pinagbabayad ng estate tax. As we speak, it’s about P200 billion already,” sabi ni Moreno sa harap ng mga miyembro ng labor groups na una nang nagpahayag ng suporta sa kandidatura ng alkalde.
Tinukoy ng alkalde ang naging desisyon ng SC na nag-aatas sa pamilya Marcos na bayaran ang tax liability nitong aabot sa P23.29 bilyon kung saan umabot ito ng mahigit sa P203B dahil sa dekada na ang lumipas ay hindi pa ito nababayaran.
“Kailangan magbayad sila ng buwis,” giit ni Moreno na nagsabing ang naturang halaga ay gagamitin nito para sa pagtulong sa mga magsasaka, sa mga manggagawa, sa mga transport groups at sa iba pang sektor upang wala nang maipataw na buwis sa taumbayan.
“Now, if and if I become president, that money from that tax, which is not regular tax but estate tax… it’s now worth P200 billion. What if I used it for aid? Anyway, that’s your money,” giit nito.
“There is a decision they should pay, those people should pay, whoever they are. Kung siya ay collectibles na, dapat kolektahin,” dagdag pa ng 47-anyos na presidential bet.
Nanghihinayang aniya ito na hindi ito naitanong sa nakalipas na presidential debate na dapat ay narinig ng taumbayan.
