Sen. Go sa pamahalaan: Madaliin ang pagbabakuna

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Muling ipinanawagan ni Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na palawakin ang mobile at house-to-house vaccination at pagpapakalat na impormasyon sa mga alituntunin ng pagkuha ng booster shots laban sa COVID-19.

“Para maisagawa ito, hihilingin ko sa national government na palawakin pa ang pagbabakuna sa mga pharmacies and medical clinics. Dapat ding magtalaga ng vaccination sites at araw ng pagbabakuna para sa boosters shots,” sabi ni Go.

Binigyan-diin nito ang kahalagahan ng pagpapalakas ng information dissemination campaign sa buong bansa sa pangangailangang makatanggap ng booster shot para sa pangmatagalan at dagdag na proteksyon laban sa virus.

Sinabi ni Go na isa sa mga prayoridad ng National Task Force Against COVID-19 ay magbigay ng 72.16 milyong booster shots sa adult population at mabakunahan ang natitirang tatlong milyong senior citizens at ng mga indibiduwal na may comorbidities.

Hinikayat din ng senador ang mga ahensya ng pamahalaan at iba pang sektor ng lipunan na lumahok sa paglulunsad ng bakuna, na binanggit na ang mga karapat-dapat na manggagawa at mag-aaral ay dapat na mabakunahan habang mas maraming negosyo at paaralan ang unti-unting muling nagbubukas.

“Para sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sektor ng ating lipunan, hinihiling ko na aktibo silang makilahok sa isinasagawang vaccine rollout. Ngayong unti-unti na tayong nagbubukas ng ekonomiya, dapat na mas maraming manggagawa ang mabakunahan para ligtas sila sa pagbabalik-trabaho, gayundin ang mga estudyante para mas maraming paaralan ang makapagdaos ng face-to-face classes,” paliwanag ng senador.

Leave a comment