
Ni NOEL ABUEL
Nangako si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na gawing priority agenda ang madaling pagkuha ng tulong ng gobyerno sa gitna ng dahan-dahang pagbangon ng ekonomiya ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
“So isang pinaglalaban natin ngayon pa lang, at siyempre pagdating sa Senado, ay mapadali ang mga prosesong ito para lahat po ng nangangailangan,” ani Cayetano sa panayan ng mga mamamahayag.
Sinabi pa nito na ang dapat na maging madali sa taumbayan ang pagtanggap ng iba’t ibang assistance programs na nakapaloob sa 2022 national budget upang magkaroon ng kapangyarihan ang publiko na makontrol ang resulta ng ekonomiya ng kanilang pamilya.
“Ang good news po ay merong almost P500 billion sa ating 2022 budget na iba’t ibang klaseng ayuda at tulong, whether ‘yan ay sa gamot, sa Department of Health – more than P20 billion ‘yan – sa DSWD, sa DTI,” ani Cayetano.
“But in the case po nitong P500 billion, the reality is marami pong nagko-complain na ‘pag wala silang kilala o padrino, mahirap mag-apply, or mahirap buuin ‘yung mga requirements,” dagdag nito.
Ipinanawagan din ni Cayetano ang pangangailangan para sa mas direktang tulong tulad ng pandemic stimulus packages na pinagtibay ng Estados Unidos gayundin ng Singapore at iba pang bansa sa Asian neighbors.
“Nasa budget na ‘yan. We will continue to fight for that, we’ll continue na ipaglaban na ngayong panahon ng pandemic, katulad ng sa US, ng Singapore at ibang pang bansa, direktang magbigay ng ayuda sa ating mga kababayan,” sabi pa ni Cayetano.
Binanggit pa nito na napatunayan na ng gobyerno ang sarili nitong kakayahang magpatupad ng isang nationwide stimulus program, na dalawang beses na nangyari sa unang taon ng pandemya sa Bayanihan Acts 1 at Bayanihan 2.
Magugunitang nagtapos ang Bayanihan 2 noong Hunyo 2021, habang ang Bayanihan 3 ay ipinasa ng Kamara noong buwan ng Agosto ng nakalipas na taon.
“Sabi ng iba ay ‘yan daw ay doleout, pero sabi po natin ngayong panahon ng pandemic, ‘yan po talaga ay pantawid e,” ayon pa kay Cayetano.
“Pinaglalaban natin na maging small businesses man ‘yan o mga nawalan ng trabaho, ‘yan man ay maging OFW, senior citizen, single parent, persons with disability, lahat ‘yan ay kailangan makakuha ng ayuda,” dagdag nito.
