
NI NERIO AGUAS
Balik na sa normal operation ang tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa bansa kasunod ng pagbaba na sa Alert Level 1 ang alert status para magserbisyo sa lahat ng dayuhan at stakeholders nito.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, 100 porsiyento na ang operasyon ng ahensya subalit mahigpit pa ring ipatutupad ang health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask at physical distancing.
Paliwanag pa ni Morente tanging ang mga fully vaccinated individuals lamang ang papayagang pumasok sa tanggapan ng BI kung saan ang mga hindi pa bakunado ay kailangang kumuha muna ng slots sa online appointment system.
Idinagdag pa ng opisyal na mananatili o hindi nagbago ang working hours sa BI mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-5:30 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes maliban na lamang sa holidays.
Samantala, ang iba pang BI offices na hindi kasama sa Alert Level 1 status ay mananatili ang on-site work capacities ng mga ito.
Sa hiwalay namang memorandum na inilabas ni Morente, sinabi nitong hindi na papayagan pa ang work-from-home bilang alternatibong work arrangement scheme para sa mga empleyado nito kung kaya’t lahat ay inaatasang pumasok sa trabaho.
“As we transition to the new normal, the public can be assured that the services of the BI will remain unhampered,” sabi pa ni Morente.
