Huwag gawing alibi sa oil price hikes ang gulo sa Russia-Ukraine crisis — solon

Ni NOEL ABUEL

Mariing inalmahan ng Gabriela party list ang malakihang taas-presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) na tumapat pa sa pagbubukas ng Buwan ng Kababaihan.

Ayon kay Assistant Minority Leader Rep. Arlene Brosas, lalampas na sa P1,000 ang presyo ng 11-kg na LPG bunsod ng taas-presyo  na tiyak na masakit sa bulsa ng mga pamilya ngayon.

“Sinasamantala ng mga kumpanya ng langis ang Russia-Ukraine crisis para lalong palobohin ang kanilang supertubo at palakihin pa lalo ang overpricing sa langis. Samantalang tuyong tuyo na ang bulsa ng maraming kababaihan at mamamayan ngayon,” ani Rep. Brosas.

“Kasabwat ng oil companies ang rehimeng Duterte sa modus na ito. Kumukulimbat ng mas malaking excise tax collection ang gobyerno pero nilalagay naman ang pera sa pandarahas at hindi sa batayang serbisyo,” sabi nito.

Binanggit din ni Brosas na hindi pwedeng gawing palusot ang Russia-Ukraine crisis para sa pinakahuling oil price hikes dahil ilang linggo nang imbentaryo ang langis na binebenta ngayon.

Dagdag pa nito, mahigit 90% ng langis na inaangkat ng bansa ay mula sa Middle East at hindi galing sa Russia.

Muling ipinanawagan ng Gabriela ang pagbasura sa Oil Deregulation Law at  pagtanggal sa TRAIN excise tax sa mga produktong petrolyo para sa kagyat na ginhawa sa mga konsyumer.

Leave a comment