Sumunod pa rin sa health protocols kahit new normal na – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa mga Filipino na maging mas mapagmatyag at patuloy na maghigpit na sumunod sa health and safety protocols ngayong isinailalim na sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) at 38 iba pang lugar sa bansa mula Marso 1 hanggang 15.

“Regardless of the downgraded alert level, everyone should stay watchful as we continue to fight COVID-19. It’s critical to realize that the health guidelines will only function if everyone follows the rules and cooperates,” sabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography.

“Huwag tayong makumpiyansa. Huwag nating sayangin ang magandang takbo ng ating pandemic response at vaccine rollout. Mas palakasin pa natin ang pagbabakuna lalo na ng booster shots para hindi na tumaas muli ang kaso ng nagkakasakit,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng Alert Level 1, ang intrazonal at interzonal travel sa bansa ay papayagan na anuman ang edad at ang lahat ng pribadong kumpanay at lugar ng trabaho kabilang ang mga public at private construction sites, na maaari nang mag-operate ng 100 percent capacity.

Samantala, ang face-to-face classes sa primary education ay naaayon sa pagpayag ng Office of the President.

Muli ring umapela si Go sa lahat ng Filipino na hindi pa nababakunahan na magpabakuna na sa lalong madlaling panahon.

“Magpabakuna na sa pinakamalapit na vaccination site upang makuha ang proteksyon na kailangan laban sa patuloy pa ring kumakalat na COVID-19 na sakit at iba’t ibang variants nito,” ani Go. “Libre naman po ang bakuna mula sa gobyerno. Paraan din ito upang maprotektahan ang inyong mga pamilya at mga komunidad,” sabi nito.

Leave a comment