
Ni NOEL ABUEL
Suportado ng karamihan ng miyembro ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ang kandidatura nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential bet Davao City Mayor Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni LMP president at Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson, Sr. na nagbigay ng assessment sa gitna ng 2022 General assembly ng nasabing grupo kung saan nagsilbing pangunahing pandangal sina Marcos at Duterte.
“Sila (LMP mayors) ang pinapakinggan ko. I just follow the majority, and the majority of them are supporting BBM. Basta sinusunod ko lang ‘yung mga mayors, majority of them are supporting BBM and Sara,” sabi ni Singson sa ambush interview sa Marriott Grand Ballroom sa Pasay City.

Sinabi pa ni Singson na sa 1,480 LMP mayor-members, nasa 80 porsiyento nito ay suportado ang UniTeam duo.
“Ako wala akong pinipili–sumusunod lang ako sa majority…yes majority of the mayors are [for] BBM-Sara. Tsaka ‘yung survey, maski saang survey, lamang na lamang na more than 50 percent…First time na nakita ko tao ang gumagalaw, puro volunteers. Pambihira ‘yung ganun,” ani Singson.
Labis aniyang namangha ito sa suportang nakukuhan ng BBM-Sara kung saan sinabi ni Singson na ang halalan sa May 2022 elections ay maaaring makabuo ng mayoryang pangulo ng Pilipinas kumpara sa pangulo ng nanalo sa pamamagitan ng maraming boto.
“Sabi ko nga kanina–magiging majority president, ngayon lang. Ever since wala tayong majority president, puro – like for example si President Duterte malakas pero 16 million lang nakuha niya at 25 million ‘yung boboto. Pero this one, more than 50 percent na. Lahat naman ng survey ganu’n eh,” paliwanag pa ni Singson.
