
Ni NOEL ABUEL
Panahon nang magkaroon ng independent internal affairs service na hiwalay sa Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) para masiguro napaparusahan ang abusadong miyembro nito.
Kasabay nito, sinabi ni Ang Probinsyano party list Rep. Ronnie Ong, pangunahing may-akda ng Foundling Law, dapat na masuspende si PNP Chief Gen. Dionardo Carlos habang iniimbestigahan sa pagbagsak ng PNP chopper na susundo sana dito sa Balesin, isang private resort na pag-aari ng pamilya ni Julian Ongpin.
“With a strong and independent internal affairs service, Carlos should have been automatically investigated and even been suspended for his actions,” dagdag nito.
Paliwanag ni Ong, nais nitong maamiyendahan ang Republic Act 8551 o ang Philippine National Police Reform Reorganization Act of 1998 at magbuo ng internal affairs body na iba sa PNP chain-of-command.
Sinabi pa ng kongresista na sa pagbagsak ng PNP helicopter na ikinasawi ng isang pulis at pagkasugat ng dalawa pang opisyal ng PNP ay hindi dapat nangyari kung hindi nagpasundo si Carlos sa Balesin.
Idinagdag pa ni Ong na bagama’t may basehan si Carlos upang gamitin ang PNP chopper bilang personal na sasakyan, ang aksyon umano nito ay hindi naaangkop at isang kumpletong pag-aaksaya sa pera ng taumbayan.
Giit pa ni Ong na dapat umanong may delicadeza si Carlos na sa halip na magamit ang PNP chopper sa pagpapatupad ng batas ay ginawa nitong personal ang paggamit nito maliban pa sa ang Balesin, na pag-aari ni Julian Ongpin na inabsuwelto ng PNP sa kasong pagpatay sa artist na si Bree Johnson.
“I completely agree that General Carlos has all the authority to use the police chopper. I also don’t want to put malice on his decision to spend a vacation in a private resort like the Balesin. But is it appropriate? No, I don’t think so,” sabi ni Ong.
Sinabi pa ng kongresista na mahabang panahon pa ang kailangan para mapalitan ang bumagsak na PNP chopper gamit ang pondo ng taumbayan.
