Kaligtasan ng mga Pinoy sa Ukraine pinatitiyak ng senador

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Binigyan-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangan ng gobyerno na protektahan ang kaligtasan ng mga Filipino na nasa Ukraine na karamihan ay nasa kabisera ng Kyiv at mga kalapit lugar nito sa gitna ng tumitinding giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

“We are, without a doubt, living in tumultuous times. That means it is imperative now more than ever to be proactive and safeguard the future of Filipinos and our nation. Our primary priority is to get our kababayans out of danger as quickly as possible,” ayon kay Go.

Pinasalamatan naman ng senador ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagkilos nito para agad na mailikas ang mga Filipino na naiipit sa nasabing giyera.

Aniya, nagpapatuloy ang operasyon ng DFA para mailikas ang mga Filipino sa mas ligtas na lugar malayo sa Ukraine patungo sa mga kalapit-bansa nito bago makauwi ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, nasa 40 Filipino ang nadala na umano sa Poland, Hungary at Moldova habang anim na Pinoy na ang nakauwi na ng Pilipinas.

Pinayuhan din ni Go ang Filipino na nasa Ukraine na mag-ingat at maging handa sa anumang maaaring mangyari at makipag-ugnayan sa Philippine Embassy Team sa Lviv o sa Consulate General sa Kyiv kung kinakailangan ng mga ito ng tulong.

Hinimok din ni Go ang pamahalaan na pagaanin ang masamang epekto sa ekonomiya ng pandaigdigang labanan sa bansa sa pamamagitan ng napapanahong pagbibigay ng subsidy sa gasolina sa mga tsuper at agricultural transport sector lalo na at presyo ng langis ay lumagpas na sa $100 kada bariles.  

Leave a comment