Sen. Lacson biktima ng fake news

Ni NOEL ABUEL

Tinawag ni Partido Reporma presidential candidate Senador Ping Lacson na disservice o mapaminsala para sa kapwa ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon, lalo na ngayong panahon ng kampanya tungo sa halalan sa darating na Mayo 9.

Kaugnay ito sa naging pagsita ni Lacson sa isang netizen na nagkomento sa isang post sa opisyal niyang Facebook page kamakailan.

Nakalagay sa nasabing post ang naging pahayag ni Lacson sa katatapos lamang na CNN Philippines Presidential Debate, tungkol sa layunin nito na mabigyan ng boses ang mga local government unit (LGU) sa pamamagitan ng kanyang plataporma na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).

“It’s time to empower LGUs. Napakalaki ng hindi nagagamit sa national budget, P328B taun-taon. Bakit hindi natin i-download ito sa LGUs para sa sarili nilang infrastructure programs? Makaka-generate ito ng jobs, made-decongest pa ang Metro Manila,” saad niya sa nasabing post.

Isang netizen ang nagkomento na: “Sana ginawa muna dati Senator Ping. Kayo naman gumagawa ng batas. Bat ngayon pa na election na?”

Tugon naman ni Lacson sa akusasyon sa kanya, “Kung aaralin ninyo po ang aking mga bills filed, napakatagal na po natin ito isinusulong. Mali po ang inyong premise na para sa kampanya lamang ito. Kaya nga po tayo tumatakbo bilang pangulo, para hindi na ito idaan sa legislative, kundi through executive order na.”

“Isa pong disservice sa kapwa po natin na magbitaw ng maling impormasyon,” sabi pa ng presidential candidate.

Maraming netizen naman ang pumuri sa pamamaraan ng pangangampanya ni Lacson. Obserbasyon nila, marami silang natututunan dahil sa pakikinig sa batikang public servant.

“Kahit kadalasan nalilito ako sa mga terminologies ni Sen. Ping, marami naman akong natututunan sa pakikinig sa mga sagot niya. Sana marami pa kayong debate/interviews na paunlakan para mas marami ang makarinig ng plataporma nyo,” komento ni Nevana Baldonado sa Facebook post ni Lacson.

Isang kampanya na nakatuon sa paglalatag ng kanilang mga plataporma ang patuloy na isinasagawa ni Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Kaya naman sa kanilang pag-iikot sa mga probinsya, nakapokus sila sa pakikipagdayalogo sa publiko imbes na sumayaw, kumanta o anumang pang-aliw sa mga botante.  

Leave a comment