
Ni KAREN SAN MIGUEL
Muling kinalampag ng grupong Gabriela ang pamahalaan na alisin na ang excise tax sa langis lalo na’t may balitang aalisin ang value-added tax sa tubig.
“Excise tax sa langis, Alisin na! Hindi makatwiran ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Huwag gawing dahilan ng rehimeng Duterte na wala silang magagawa dahil sa ito ay pandaigdigang nangyayari sa mga bansang may Deregulation Law at VAT. May balak na ngang alisin ang VAT sa pagbayad ng tubig dahil kahit wala iyon, malaki pa rin ang kita ng mga kumpanya lalo na’t pribatisado na ang mga pangunahing pangangailangan,” sabi ni Clarice Palce, ang tagapagsalita ng Gabriela.
Giit nito, huwag din dapat umanong gawing dahilan ng mga oil cartel at ng rehimeng Duterte ang gawa-gawang giyera sa Ukraine at Russia para muling itaas ang presyo ng langis lalo na’t naipon sa mahigit tatlong buwan bago nagkaroon ng giyera.
“Sobra na itong panggigipit sa kababaihan, sa taumbayan! Mahigit isang libo na ang LPG! Sa mga kababaihang nakabili ng LPG ng P950 noong nakaraang buwan, aabot na ngayon ng P1115 ang isang LPG! Marapat lamang na kalampagin ang mga walang konsiyensyang kumpanya na tulad ng Petron, Shell, at Caltex na sa gitna ng krisis ay super-tubo ang nasa isip lamang. Umiral na naman ang oil cartel,” ani Palce.
Aniya,kasama sa pagtaas ng langis na umabot sa P0.90, tumaas din ang LPG ng P10-P15/ kilo kaya ang isang 11/kg na regular na binibili ng bawat bahay ay may pagtaas ng P165 na pang-9 magkakasunod na pagtaas ng presyo ng langis at petrolyo.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) na malamang tataas pa ito dahil sa giyera sa Ukraine.
“Nakagapos kasi tayo sa polisiya ng gobyernong deregulasyon ng mga presyo ng langis at krudo na nag-umpisa noon pang panahon ng diktadurang Ferdinand Marcos Sr. Pinagpatuloy ito ng mga sumunod na mga presidente, kabilang na ang kasalukuyang si Rodrigo Duterte na siya namang pumirma sa TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law kung saan ang excise tax ay dinudugo sa pagbayad ang mga mamimili,” giit pa ni Palce.
Sinabi pa nito na ang Deregulation Law ang nagsilbing instrumento para may layang magtaas ang mga higanteng kumpanya ng langis ng kanilang mga presyo at pinagtibay ito ng TRAIN Law ni Pangulong Duterte na pinirmahan noong 2017.
