
NI NERIO AGUAS
Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Taiwanese na matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) mula sa mga kidnappers nito matapos matuklasang wanted ito dahil sa panloloko sa mga kababayan nito at tumangay ng US$7 milyon dalawang taon na ang nakalilipas.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente, ang nadakip na dayuhan na si Li You-Ci, 31-anyos na nahuli ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) ng BI sa Camp Crame, Quezon City sa bisa ng mission order na hiling ng Taiwanese authorities.
Nabatid na si Li ay nailigtas ng mga pulis mula sa mga kidnappers nito sa Parañaque City ngunit nang isailalim sa imbestigasyon ay natuklasang alien fugitive wanted sa Taiwan ito.
Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, si Li ay may outstanding arrest warrant na inilabas noong Abril ng nakaraang taon ng Kinmen District Prosecutor’s Office sa Taiwan.
Nabatid na kinasuhan ang nasabing dayuhan ng fraud sa korte nang mapatunayang nakakulimbat ito ng 200 new Taiwan dollars, o katumbas ng mahigit sa US$7.1 milyon, sa isang investment scam.
Sa record ng BI, si Li ay dumating sa bansa noong Agosto 2019 bilang turista kung saan simula noon ay hindi na ito umalis ng Pilipinas at tuluyang nagtago hanggang sa maaresto matapos masagip mula sa kamay ng mga kidnappers nito.
