Transition period sa DMWs huwag abalahin – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na tiyaking walang magiging abala sa paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa mga overseas Filipino workers (OFWs) habang isinasalin ang pangangasiwa sa mga ito sa Department of Migrant Workers (DMWs) sa loob ng dalawang taong transition period.

Ayon sa senador, sa panahong ito, ang mga tungkulin, ari-arian at pondo bukod sa iba pa, ng mga nauugnay na ahensya ay ililipat sa DMWs.

Kabilang sa mga maapektuhan aniya mga ahensya ng pamahalaan ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Philippine Overseas Labor Offices (POLO), International Labor Affairs Bureau (ILAB), at National Maritime Polytechnic (NMP) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE); ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) sa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA); ang National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa ilalim naman ng Overseas Workers Welfare Administration; at ang Office of the Social Welfare Attaché (OSWA) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Tuluy-tuloy na po ang pagbuo ng bagong departamentong ito na siyang magbibigay ng agarang serbisyo sa ating OFWs na napakalaki ng ambag sa ating ekonomiya. Habang nasa transition period tayo, hinihimok ko ang gobyerno na siguruhing hindi maaantala ang paghahatid natin ng serbisyo sa ating mga OFWs,” paliwanag ni Go.

Alinsunod sa Section 23 ng DMW Act, na nagkabisa kamakailan, ang inilabas ng Office of the President ang memorandum na bumuo ng Transition Committee upang mapadali ang pagsasaayos at operasyon ng DMW.

Ang Transition Committee ay pangungunahan ng kalihim ng DMW na itatalaga ng Pangulo habang ang administrador ng POEA at directors ng ILAB, NRCO, NMP, at OSWA ay magiging bahagi ng nasabing komite. Disyembre 30, 2021 nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11641, na naglalayong bumuo ng DMW upang maisaayos ang koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan sa pag-asiste sa mga Filipino migrant workers.

Leave a comment