
NI NOEL ABUEL
Pinatitiyak ni Senador Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at power utilities na may nakalatag na itong mga contingency measures para matugunan ang napipintong brownout lalo na pagdating ng eleksyon bunsod ng numinipis na suplay ng kuryente.
Ayon sa senador, isang solusyon ang Interruptible Load Program (ILP), kung saan pwedeng makakuha ng kuryente ang distribution utility (DU), tulad halimbawa ng Meralco, sa mga kumpanyang may stand-by generation capacities upang maiwasan ang kakulangan sa kuryente.
Aniya, kailangan aniyang magsagawa ng monitoring ng maintenance schedule ng mga planta ng kuryente para maiwasan ang unscheduled outages.
Paliwanag ni Gatchalian, tanging ang mga hydropower generators lamang ang pinapayagang magsagawa ng plant maintenance tuwing panahon ng peak quarter.
Nanawagan din si Gatchalian sa Energy Regulatory Committee (ERC) na mahigpit na ipatupad ang pagpapataw ng parusa sa mga hindi sumusunod na planta at pangasiwaan ang pagsunod ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa obligasyon nitong kumuha ng ancillary supply upang magkaroon ng sapat na ancillary services (AS) o mga reserbang kuryente bilang paghahanda sa nagbabadyang kakulangan sa suplay.
“Ang gusto natin ay isang kasiguraduhan sa gitna ng babala ng iba’t ibang sektor hinggil sa numinipis na reserba ng kuryente na maaaring humantong sa panahon ng halalan at sa kasunod pang mga linggo. Dapat merong back-up plan kung sakaling pumalya ang mga planta na maaaring magpalala ng sitwasyon ng suplay. At dahil nasa Alert Level 1 na ang Metro Manila at marami pang ibang lungsod, asahan na nating tataas ang konsumo ng kuryente,” paliwanag pa ng senador.
“Kailangang tiyakin natin ang lahat ng posibleng solusyon. Ito ang pangunahing responsibilidad ng DOE. Napakahalaga ng pagiging handa sa anumang maaaring mangyari upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente lalo na pagdating ng eleksyon upang matiyak rin ang malinis na halalan. Dito nakasalalay ang kinabukasan ng higit 100 milyong Pilipino sa susunod na anim na taon,” dagdag pa nito.
